Black Widow (4)
BINALIKAN ni Marie ang pinag-usapan nila ni Jam habang kumakain sa canteen. Sino raw ang susunod kay Mark? Si Mark ang ikatlo niyang asawa na kamamatay lang.
Hindi siya makasagot kay Jam. Hindi siya makapagsalita ng tapos. Paano kung may lalaki na namang magpatibok ng kanyang puso? Tao lamang siya. At gaya ng sabi ni Jam, bata pa naman siya. Kuwarenta’y singko anyos na siya. At sabi nga ni Jam, may asim pa. Marami nga raw lalaki sa departamento nila ang nalalaglag ang brief sa kanya.
Pero tinatanong din naman ni Marie ang sarili, mayroon pa nga kayang magkagusto sa kanya kapag nalaman na tatlo na ang namamatay makaraang mapangasawa siya. Tiyak na kakalat ang balitang iyon at maaaring matakot ang sinumang lalaki na ligawan siya. Sino ba naman ang gugusto sa babaing laging namamatayan ng asawa? At ang nakakapangilabot pa, tuwing ika-10 taon nangyayari ang pagkamatay ng lalaki. Parang mahirap isipin na nakatakda na ang pagkawala ng lalaki sa sandaling makarelasyon siya.
Napahinga nang malalim si Marie.
Ang pinakamagandang magagawa para maputol na ang pagkamatay ng kanyang makakapartner ay huwag siyang mag-asawa. Magtiis na lang siya. Tutal naman at nakatatlo na siya at mayroon namang anak. Kung hindi siya magsasakripisyo, kawawa naman ang anak ni Adan na makakarelasyon niya. Parang inihulog niya sa hukay.
Pero muli, naisip ni Marie na mahirap magsabi ng tapos. Paano kung umibig muli siya. Madali siyang umibig. Mabola lamang siya ng lalaki ay bumibigay siya.
Nakatulugan ni Marie ang pag-iisip kung bakit lagi siyang nabibiyuda.
KINABUKASAN, maaga siyang gumising. Magluluto siya ng almusal at aayusin ang isusuot ng kanyang anak na si Pau sa pagpasok sa school. Nasa Grade 4 si Pau. Dadaanan ito ng service bus dakong alas siyete. Wala pa siyang maid kaya siya ang gumagawa ng lahat.
Pagkatapos madaa-nan si Pau ng service bus, ay saka siya maghahanda sa pagpasok sa office.
Habang nagbibihis ay naalala niya si Mark. Kapag papasok sa trabaho ay lagi silang nagsasabay. Ihahatid siya ni Mark sa opisina.
Nalungkot si Marie. Pinagmasdan niya ang picture ni Mark na naka-sabit sa dingding. Guwapo si Mark.
Hanggang maitanong sa sarili kung mayroon pa kayang susunod kay Mark?
(Itutuloy)
- Latest