“HALIKA, Marie meryenda tayo,” sabi ni Jam na ikinagulat ni Marie. Alas tres na pala ng hapon. Break time.
Tumayo siya. Nagtungo sila ni Jam sa basement na kinaroroonan ng canteen.
Pumili sila ng pagkain at inumin at saka pumila para bayaran ang mga iyon. Isang mesa sa sulok ang pinili nila.
“Black widow pala ang tawag sa’yo ng mga kasamahan nating lalaki, Marie.’’
“Oo nga narinig ko kanina.’’
“Okey lang sa’yo. Hindi ka nagagalit?’’
“Oks lang. Wala namang masama roon. Hayaan mo sila.’’
“Kasi’y pag sinabing black widow, negative ang dating. Di ba yung black widow ay nag-originate sa isang female spider sa North America na pinapatay ang kanyang partner matapos mag-sex.”
“Oo. Mayroon ngang movie na Black Widow. Tungkol sa isang babae na pinapatay ang mga nakakapartner para makuha ang mana o inheritance. If I’m not mistaken, 1987 movie yun. Hindi ko maalala ang bidang babae.”
“Talaga? Hindi kasi ako mahilig sa movie.’’
Kumain sila.
“Huwag kang magagalit, Marie, curios lang ako, ano sa palagay mo ang dahilan at lagi kang nabibiyuda?’’
Napahinga si Marie bago nagsalita.
“Ewan ko Jam. Hindi ko alam.’’
“Tatlo na ang naging husband mo at pawang namatay. Nagkataon lang ba ang mga yun?’’
Napahinga muli si Marie.
“Hindi ko nga maintindihan, Jam. Pero gusto kong maniwala na kapag naka-sampung taon na kaming nagsasama ng aking mga naging asawa, nangyayari ang kanilang pagkamatay.”
“Paanong ika-10 taon?’’
“Kasi una akong nabiyuda ay noong 25 years old ako. Sa pangalawa kong husband ay 35 years old ako at ngayon 45 years na ako, nabiyuda na naman ako.’’
Nakamulagat si Jam. Hindi rin makapaniwala sa sinasabi ni Marie.
“Paano kung mag-asawa ka uli Marie? Ibig sabihin pagsapit mo ng 55 ay biyuda ka na naman. Mamamatayan ka uli ng husband.”
“Oo. Naisip ko na ‘yan.’’’
“At balak mo pang mag-asawa, Marie?’’
Hindi makasagot si Marie. Mahirap magsabi ng tapos.
“Sabagay bata ka pa naman, Marie. Forty five ka pa lang. Pero sino kaya ang lalaking susunod?”
(Itutuloy)