‘‘PARANG nararamdaman kong narito si Mama,’’ sabi ni Garet nang pumapasok na sila sa loob ng bahay. ‘‘Malakas ang kutob ko Gaude!’’
Hindi nagsasalita si Gaude. Hindi niya alam kung iyon ay sinabi lamang ni Garet para palakasin ang loob. Gusto lamang niyang paniwalain ang sarili na narito ang kanyang mama. Pinipilit na maging positibo sa kabila na tila mahirap mangyari ang iniisip nitong naroon ang ina.
Nang makapasok sila sa salas, hindi makapaniwala si Garet sa nakitang kaanyuan. Hubad na hubad ang salas. Wala na ang magaganda at mamahaling gamit.
Tuluyan nang napaiyak si Garet. Nayugyog ang balikat. Masamang-masama ang loob.
“Nahubaran na pala ito ng hayup na si Geof! Wala nang tinira sa mga pinundar ni Papa! Pinaghirapan ni Papa ang mga ‘yun!’’ Sabi nito at humagulgol na. Ibinuhos ang iyak.
Pinayapa siya ni Gaude. Tinapik-tapik sa balikat. Dama niya ang sama ng loob na nararamdaman ni Garet dahil sa nangyari sa pinundar na bahay ng kanyang papa. Naunawaan niya ito kung bakit ganun ang reaksiyon.
Natahimik si Garet.
Hanggang sa mayroon silang marinig na kaluskos. Nagkatinginan sila. Nagpakiramdaman. Naghintay.
Narinig muli nila.
‘‘Sa palagay mo, saan galing ang kaluskos?’’ Tanong ni Gaude.
‘‘Second floor.’’
‘‘Ano kaya ‘yun? Hindi kaya daga?’’
“Tingnan natin, Gaude. Malakas ang kutob ko.’’
Nagtungo sila sa second floor. Dahan-dahang umakyat sa hagdan. Inalalayan ni Gaude si Garet sa paghakbang. Mukhang totoo na nga ang kutob ni Garet dahil patuloy nilang narinig ang kaluskos. Hindi pangkaraniwang kaluskos iyon na gawa ng daga o anumang insekto. Tao ang may likha niyon. Kasunod ng kaluskos ay ang kalabog. Parang may natabig na bagay at bumagsak sa suwelo.
Nagmadali na si Garet sa pag-akyat at nakawala sa pagkakahawak ni Gaude. Para bang alam na alam ni Garet ang kinaroroonan o pinanggalingan ng kaluskos at lagabog. Napasunod na lamang si Gaude kay Garet.
(Itutuloy)