Kastilaloy (183)

NAKAKULONG na si Geof. Mahirap nang makalabas dahil sa patung-patong na kaso na isinampa sa kanya ni Carmina. Nakahinga nang maluwag si Carmina at Gina dahil wala nang magtatangka sa kanila.

Pero hindi pa tapos ang problema kay Garet at tila nagsisimula pa lang dahil hindi pa rin nila natatagpuan ang kanyang Mama Julia. Hindi pa rin nila malaman kung saan ito hahanapin. Napuntahan na nila ang mga posibleng puntahan nito. Pati ang mga simbahan, memorial park na pinaglibingan sa papa ni Garet, ilalim pa ng mga tulay at kung saan-saan pa pero wala talaga.

‘‘Kung ipa-advertise na natin sa diyaryo o i-post sa FB, Garet. What do you think?’’ Tanong ni Gaude. Noon pa niya ito sinabi kay Garet pero tutol na ito noon pa.

“Huwag muna, Gaude. Kung wala na talagang paraan saka natin iyon gawin. Ayaw ko kasing pag-usapan ang buhay namin. Gusto ko tayo na lang muna ang makaalam sa nangyari sa amin. Isa pa, ayaw din ni Mama na malalathala sa diyaryo o kahit sa social media.’’

Nirespeto ni Gaude ang pasya ni Garet. Naunawaan niya ang damdamin nito. Lalo niyang hinangaan si Garet sa pagpapasya nito. At hindi na niya maitatago na habang tumatagal ang pagsasama nila ni Garet, lalo siyang nakadarama ng espesyal na damdamin para rito.

“Hoy Gaude, naririnig mo ba ako?’’ Tanong ni Garet sabay tapik sa braso na ikinagulat niya. Napatulala pala siya sandali dahil sa naisip.

Napatango na lang siya bilang pagsang-ayon sa dalaga.

‘‘Pero saan pa ba natin siya hahanapin? Halos lahat na yata ng lugar dito sa Metro Manila ay napuntahan na natin,’’ tanong niya kay Garet pagkaraan.

Biglang nagseryoso ang mukha ni Garet. Nang magsalita ay mahina na para bang ayaw ilabas ang nasasaisip ukol sa ina. ‘‘Alam mo, kinakabahan ako sa aking naisip. Naisip ko na ito noong mahuli ang hayup na si Geof. Hindi kaya pinatay ni Geof si Mama at inili-bing sa loob ng aming bahay?’’

Hindi nakaimik si Gaude. Kakakilabot pero posibleng mangyari. Lahat ay maaaring isipin sa pagkawala ng mama ni Garet. Bigla itong nawala at hindi nila makita. Sa pagkatao ni Geof, puwede niyang gawin ang ganoong krimen.

“Pero ano ang dahilan at gagawin niya iyon sa iyong mama?’’

“Maaaring nagtalo sila. Humihingi ng pera si Geof at ayaw bigyan. Hanggang sa mapatay niya. Baka sinakal o naiuntog ang ulo sa pader.’’

Napatangu-tango si Gau­de. Posible ang mga naisip ni Garet. Palibhasa’y writer, malawak ang imahinasyon.

“Kung pasukin kaya natin ang bahay n’yo para tingnan dun ang mama mo?”

“Iyon nga ang binabalak ko, Gaude. Tulungan mo ako!’’

(Itutuloy)

Show comments