“BAKIT naging puwit ng baso ang mga ‘yan?” Tanong ni Geof sa lalaking nagsuri sa alahas.
“Hindi ko alam, Brad. Huwag ako ang tanungin mo.’’
“Antigo nga yan eh!’’
“Hindi po ito antigo, Brad.’’
“Buwisit na buhay ‘to!’’
“Aba huwag kang magmumura Brad.’’
“Hindi naman ako nagmumura.’’
Lumapit ang guard at pinayapa si Geof.
Walang nagawa si Geof kundi ang umalis dala ang alahas na puwit daw ng baso.
Habang naglalakad pabalik sa tinutuluyang mumurahing motel sa Quiapo ay iniisip niya kung paano naging puwit ng baso ang mga alahas na hinukay. Baka naman ang nadampot niya para isangla ay puwit talaga ng baso pero ang nasa ilalim ay mga tunay. Baka ang nasa ibabaw ay peke!
Pagdating niya sa motel ay kinuha ang alahas sa taguan at sinuri. Hinalukay niya ang nasa kailaliman. Kumuha ng isang singsing na may bato. Sinuri-suri. Sa tingin niya ay tunay. Pero alinlangan din siya. Kumuha muli ng isa pa. Isang kuwintas na ginto ang kinuha. Sinuri-suri. Maganda. Katulad ito ng kuwintas na ibinigay niya kay Gina. Pero nag-aalinlangan din.
Kailangang maipasuri uli niya sa alahero. Pero hindi na sa pawnshop na una niyang pinuntahan. Baka masapak lang niya ang la-laking naroon. Kailangang maghanap siya ng bagong pawnshop.
Inilagay niya sa panyo ang kuwintas at ang sing-sing. Dadalhin uli niya sa pawnshop. Sa Recto na niya dadalhin. Maraming pawnshop doon.
Isang pawnshop sa kanto ng Recto at Avenida ang tinungo niya. Magalang naman ang lalaki sa pawnshop nang kunin para suriin ang mga alahas na dala niya.
Makaraan ang ilang minuto, tinawag siya ng lalaki.
“Wala pong value ito, Sir. Gold plated lang itong kuwintas. Itong singsing, wala rin pong halaga.’’
Napa-putang-ina si Geof.
“Peke ‘yang dalawa?’’
“Opo Sir. Sa bangketa lang po nabibili ito. Marami nito sa Carriedo at Ongpin.’’
Hindi makapagsalita si Geof pero kumukulo ang dugo niya.
Nagpaalam na siya at bumalik sa motel.
Naloko talaga siya nina Garet at Gaude. Naisahan siya. Maaaring pinalitan ang mga alahas bago pa niya nahukay. Kaya pala malambot ang sementong hinukay niya. At saka bakit iniwang bukas ang musueleo.
Gaganti siya! Uubusin niya ang mga nanloko sa kanya! (Itutuloy)