NAGKUWENTUHAN sa salas sina Garet at Gaude. Si Carmina ay nasa kanyang kuwarto at binibigyang-laya ang dalawa para maisagawa nang maayos ang plano.
Sa simula ay tungkol sa pagtuturo ni Gaude ang kanilang pinag-uusapan hanggang sa madako sa sinusulat na libro ni Garet. Malakas ang kanilang pag-uusap. Nasa kitchen pa si Gina at hinuhugasan ang mga platong ginamit nila sa hapunan.
Subalit nang madako ang usapan nila kay Kastilaloy ay napansin nilang lumabas mula sa kitchen si Gina at kunwari ay may kinuha sa salas pero wala naman.
Lalo namang nilakasan nina Garet at Gaude ang pag-uusap ukol kay Kastilaloy.
“Sigurado ka Garet na matatapos na ang sinusulat mong libro ukol kay Kastilaloy.’’
“Oo, Gaude. Last chapter na ang ginagawa ko.’’
“Naiinip na ako, Garet.”
“Matatapos na nga. Kapag natapos sasabihin ko sa’yo.’’
“Ano pa ang kulang at hindi matapus-tapos?’’
“’Yung mga alahas!’’
“Bakit anong problema sa mga alahas? Nakatago na ang mga yun, di ba sinabi ko nga sa’yo.’’
“Saan mo nga ba tinago ang mga alahas, Gaude?’’
“Malilimutin ka na, Garet. Di ba nasa loob ng musuleo ni Kastilaloy. Sa tabi ng nitso nakabaon.’’
“Ay oo nga pala, he-he-he! Sori! Sori talaga!’’
“Aba masama na ‘yan, malilimutin ka na, Garet. Ang ganda mo pa naman!’’
“Akala mo ‘to, hindi malilimutin. Di ba malilimutin ka rin? Gaya minsan, papasok ka sa school mong pinagtuturuan pero walang pasok dahil holiday, di ba? Di ba?’’
Nagtawa si Gaude.
“Ay oo nga ano? Natatandaan mo pa ‘yun?’’
“Siyempre malilimutan ko ba ‘yun. Lahat nang may kinalaman sa’yo hindi ko malilimutan.’’
Umirap si Garet.
Pagkaraan ay muling ibinalik ang pag-uusap ukol sa alahas ni Kastilaloy.
“Sa palagay mo gaano karami ang alahas, Gaude?’’
“Di ba napuno ang kahon ng sapatos? Marami ‘yun at pawang antigo. Malaking pera ‘yun.’’
“Sa palagay mo Gaude, safe ang alahas sa musuleo?’’
“Oo safe yun. Tayong dalawa lang ang nakaaalam di ba?’’
Napansin ni Garet na nasa paligid nila si Gina at pinakikinggan ang kanilang pinag-uusapan.
(Itutuloy)