Kastilaloy (43)

NAISIP naman ni Garet, hindi kaya nakakaistorbo siya kay Carmina kapag pinuntahan ito at nagtanong na naman ukol sa ama nitong si Dionisio Polavieja o Kastilaloy? Hindi kaya makulitan lalo na’t wala naman itong pagmamahal sa amang “bum” at ires­ponsable?

Pero sabi naman sa kanya noon ni Carmina, dalawin niya ito. Gusto rin daw ni Carmina na maka­kuwentuhan siya. Pakiwari ni Garet, sabik si Carmina sa anak. Wala kasing anak si Carmina.

Nagpasya si Garet, tatawagan muna niya si Carmina. Sisiguruhin niyang­ wala itong ginagawa. Alam niya, busy si Carmina sa bakeshop nito sa Ka­tipunan.

“Hello, Tita Carmina. Si Garet po.’’

“Hi, Garet.’’

“Busy ka Tita?’’

“Hindi pa naman. Ma­maya, busy na ako. Ba’t mo naitanong?’’

“Pupuntahan kita. Maki­kipagkuwentuhan.’’

“Sure, Garet. Punta ka rito. Mamaya, isasama kita sa Katipunan – dun sa bagong branch ng CARMINA. Dito ka na mag-lunch ha.’’

“Sige Tita. In thirty minutes­, nariyan na ako.’’

“Ingat, Garet.’’

Naging masigla si Garet. Naligo. Nagbihis. At sumakay ng taksi patungo sa Basilio St. na tirahan ni Carmina. Sa totoo lang, hindi lang ang mga nakatagong kuwento ni Kastilaloy ang gusto niyang malaman kay Carmina, gusto rin niya itong mapagsum­bungan ng mga nangyayari sa kanyang Mama Julia. Sa totoo rin lang, gusto niyang kausap si Carmina kaysa kanyang mama.

Nang dumating siya kina Carmina, nakahanda na ang mesa. Ilang putahe ang niluto.

“Halika na, habang kumakain ay magkuwentuhan tayo,” sabi ni Carmina.

At home na at home si Garet.

“Ang sarap Tita! Ikaw ba ang nagluto nito?’’

“Oo.’’

“Super. Ang dami mong alam. Nagbi-bake ka na e marunong ka ring magluto.’’

“Dapat malaman lahat. Ang hindi ko lang alam ay mag-drive. Natatakot ako. Aywan ko ba. Kaya pataksi-taksi ako.’’

“Hanga ako sa’yo Tita.’’

“Thanks. Hayaan mo at magluluto pa ako nang masarap at aanyayahan kita.’’

Nang mag-ala una ng hapon, umalis na sila at nagtungo sa Katipunan. Sa bagong branch ng bakeshop CARMINA. Nasa harap ng Ateneo ang branch.

“Isa pa lang ang branch pero kumikita na. Ito ang dahilan kaya abala ako.’’

“Mabuti ka pa at may mahalagang pinagkaka­abalahan, Tita.’’

(Itutuloy)

Show comments