Kastilaloy (37)
PINAGMASDAN ni Garet ang mga tuyong dahon sa loob ng musuleo ni Kastilaloy. Halos mapuno na ng mga dahon ang bakuran. Kawawa naman ang libingan ni Kastilaloy. Kung kaya lang niyang pasukin ang loob ng musuleo, lilinisin niya iyon.
Sumulyap siya sa katabing musuleo. Malinis na malinis iyon. Natatandaan niya, nakiusap siya sa mga taong naabutan na ibigay ang number niya sa sinumang makitang dumalaw sa libingan ni Kastilaloy. Siguro’y wala talagang dumadalaw sa libingan ni Kastilaloy kaya walang kumukontak sa kanya.
Kung may makakausap siya sa mga taong nagmalasakit kay Kastilaloy, marami siyang maisusulat ukol sa matanda. Doon niya malalaman kung paano napunta sa kanilang pa-ngangalaga si Kastilaloy at bakit sila ang nagpalibing. At hindi basta-basta ang libingan ng matanda.
At ang mahalagang itatanong niya ay kung nasaan ang mga mamahalin na antigong alahas ni Kastilaloy. Kasama sa alahas na dala-dala ni Kastilaloy ay ang kuwintas na may palawit. Sa loob ng palawit ay ang larawan ng ama at ina ni Kastilaloy na sina DON VENANCIO DE POLAVIEJA at DONA ESTRELLA RUIZ DE POLAVIEJA. Nakaukit daw ang pangalan ng mga ito sa hugis itlog na pendant o palawit. Sabi ng kanyang Mama Julia, ang kuwintas na iyon ay para sa kanyang papa --- si Lolo Fernando Polavieja. Nagtataka raw si Lolo Fernando kung bakit tinangay iyon ni Kastilaloy.
Ipinasya ni Garet na umalis na. Hindi niya alam kung kailan dadalawin muli ang libingan ni Kastilaloy. Baka matagalan bago makabalik dito.
HINDI na nagkuwento si Garet sa kanyang mama na may kaugnayan kay Kastilaloy at maski kay Carmina.
At tila wala namang interes ang kanyang mama ukol doon. Mas abala ang kanyang mama sa paglabas at nakikipagkita sa kung sinu-sino na ang hinala niya ay lalaki.
Isang umaga, seryoso siyang kinausap ng kanyang mama.
‘‘Nahihirapan na akong mag-drive, Margarita. Kukuha ako ng driver.’’
Hindi agad nakasagot si Garet. Bakit yata biglang-bigla na naisip ng kanyang mama ang pagkuha ng driver.
‘‘Mama, dadalawa lang tayo rito, pareho pa tayo babae, ba’t kukuha ka ng driver.’’
‘‘E hindi naman titira rito. Parang katulad ng labandera natin, pupunta lang dito kapag kailangan ang serbisyo…’’
‘‘Kahit na. Baka ano… delikado!’’
(Itutuloy)
- Latest