Kastilaloy (11)
BUMALIK si Garet sa libingan ni Kastilaloy makalipas ang dalawang araw. Pero wala ring pagbabago roon. Nakakandado pa rin ang gate ng musoleo ni Kastilaloy. At lalong maraming tuyong dahon na nalaglag sa harapan ng musoleo. Palatandaan na wala na ngang dumadalaw sa libingan ni Kastilaloy. Maaaring nangibang bansa na ang nagpalibing kay Kastilaloy. Malabo na niyang malaman kung ano ang nangyari kay Kastilaloy at kung nasaan ang mga alahas nito.
Naghintay pa ng may kalahating oras si Garet sa pag-asang may darating sa libingan ni Kastilaloy. Pero wala at sa halip sa katabing musoleo may dumalaw. Isang mag-asawa na nasa 50-anyos marahil at mga mukhang teacher. Dito naisipan ni Garet na magtanong. Bakasakali lang.
“Sir, Mam, kilala n’yo po ba kung sino ang namamahala sa musoleong ito?”
Tiningnan ng mag-asawa ang musoleo. At saka bumaling kay Garet ang lalaki.
“Hindi namin kilala. Mas nauna kasing gawin yan kaysa rito sa aming anak. Naratnan na namin ‘yan. Pero dati walang bakod yan. Bagong gawa lang yan.’’
“Oo nga po Sir. Ikinandado na po.’’
“Kaanu-ano mo ba ang nakalibing d’yan. Bale Lolo ko po. Kapatid po ng Lolo ko.’’
“O e bakit hindi mo alam kung sino ang caretaker?”
“Mahaba pong story Sir, Mam. Maalingasngas po ang kasaysayan.’’
Bahagyang napatawa ang mag-asawa.
“Kaya po ako narito ay para malaman kung sino ang nagpalibing dito sa lolo ko. Pero wala nga pong dumadalaw. Ang gulo po ano?’’
“Magulo nga.’’
“Favor naman po, Sir, Mam, pakisabi po kung mayroon kayong aabutan dito, pakisabi na may naghahanap. Pakikontak lang po ang number na iiwan ko sa inyo. Kung puwede lang po.’’
“Sure. No problem.’’
Ibinigay niya ang number sa mag-asawa. Nagpasalamat siya at nagpaalam na.
Habang naglalakad, naidasal niyang sana ay makarating sa sinumang nag-aalaga ng musuleo ni Kastilaloy ang mensahe niya at kontakin siya.
Pero lumipas ang maraming buwan ay walang kumokontak sa kanya. Maaaring wala nang dumadalaw kay Kastilaloy. Baka nga nasa ibang bansa na ang taong nagpalibing kay Kastilaloy.
Nag-iisip nang paraan si Garet kung paano pa masasaliksik ang buhay ni Kastilaloy.
Nasaan kaya ang asawa at anak nito? Sabi ng kanyang mama, Amparo ang pangalan ng asawa ni Kastilaloy at Carmina ang anak. Paano kaya niya malalaman kung nasaan ang mga ito? (Itutuloy)
- Latest