Sinsilyo (250)

SI Gaude ang naka­pansin sa bahaging lubog sa gitna ng kuwarto ni Lolo Kandoy. Malaki ang kuwarto ni Lolo Kandoy sa ground floor. Pangako iyon ni Mau sa matanda na espesyal ang kanyang kuwarto.

“Ano ito, Lolo Kandoy? Bakit parang lumulubog ang bahaging ito?”

Biglang napasugod si Lolo Kandoy at ang tatay ni Gaude na si Enchong.

“Aba oo nga!” Sabi ni Lolo Kandoy. “Ngayon ko lang napansin yan, Gaude. Palibhasa’y malabo na ang mga mata ko.’’

“Baka walang pa­laman na semento ang loob kaya lumubog,’’ sabi ni Enchong.

“Oo nga Lolo Kandoy. Baka nang ilagay ang tiles ay walang nailagay na semento kaya lumubog.’’

“Akala ko ba ay mahusay ang contractor na ’yun!”

“Akala ko rin, Lolo. Di ba isang buwan pa lang tayong nakatira rito.’’

“Oo. Sabihin natin kay Mau para maipaalam sa contractor. Baka hindi lang yan ang palpak e malaman na kaagad.’’

Pinagmasdan ni Gaude ang bahaging lumubog sa flooring.

Nang hindi masiyahan, lumuhod pa ito at kinatok-katok ang nakapatong na tiles. Malagong ang tunog. Inulit muli. Ganun pa rin. Halatang guwang ang loob.

“Delikado ito, baka nga may hukay dito. Iba ang tunog. Baka may kuweba sa loob!”

Napangiti si Lolo Kandoy. Nakatingin lang si Enchong sa bahaging lumubog.

Para makasiguro kung totoong hukay nga ang nasa loob, sinipa-sipa ni Lolo Kandoy ang nakapatong na tiles. Nang hindi masiyahan, tinapakan na.

At ganun na lamang ang pagkagulat ng tatlo nang tuluyang malaglag ang tiles. Parang naguhong bunton ng buhangin na kinain ang tiles. Hukay nga! May guwang!

At lalo silang nagtaka nang maghugis kuwadrado ang hukay o guwang.

“Parang may laman sa loob!” sabi ni Gaude.

“Oo nga! Parang may nakalaman na baul!’’ sabi naman ni Lolo Kandoy.

“Mabuti siguro’y hukayin na natin!” payo ni Enchong.

“Sige, Itay. Hukayin natin.’’

Kumuha ni Lolo Kandoy ng bareta at pala. Si Enchong ang naghukay. Sanay siya sa paghu­hukay. Kapag gumagawa ng balon sa bukid ay siya ang naghuhukay. Kahit adobe ay tinitibag niya. Tinulungan siya ni Gaude.

Makalipas ang kalaha­ting oras na paghuhukay, lumantad ang nasa loob ng hukay. Isang lumang baul iyon. Antigo. Makintab na makintab.

“Baul!” sabi ni Enchong.

“Ano kayang laman?” tanong ni Lolo Kandoy.

Si Gaude ang nag­bukas. Nagulat sila sa nakita. Napakaraming barya ang nasa loob ng baul.

“Ang dami nito!” Sabi ni Gaude.

“Kanino kaya ’yan?”

(Itutuloy)

Show comments