“IKAW nga ang pinag-uusapan namin Tata Kandoy. Balak namin, ipagpagawa ka ng monumento dahil sa mga nagawa mong kabutihan sa amin ni Gaude. Ako, niligtas mo sa sunog at si Gaude, iniligtas mo sa pagiging taong grasa. Di ba dapat, monumento ang kailangan mo?” Sabi ni Gaude nang makapasok si Tata Kandoy.
“Naku e para naman akong si Bonifacio. Hindi naman ako bayani. Saka tungkulin din naman natin sa kapwa ang gumawa ng mabuti. Palagay ko hindi na kailangan ang monumento.”
“Para sa akin bayani ka, Tata Kandoy, kasi kahit na nanganib ang buhay mo, hindi ka natakot na iligtas ako. Bihirang makakita ng taong itataya ang buhay para mailigtas ang kapwa.’’
Sa sinabing iyon ni Mau ay gustong mapa-iyak ni Tata Kandoy. Na-ngilid na ang luha niya.
“O huwag kang iiyak at baka pati ako, mapaiyak.’’
Nagtawa si Tata Kandoy. Pati si Gaude ay nagtawa na rin.
Sinabi ni Mau sa matanda ang balak niyang dito na patirahin sa Maynila ang tatay ni Gaude. Natuwa ang matanda.
“Mabuti ang naisip mo, Mau. Para magkasama na silang mag-ama rito. Pero pumayag kaya ang tatay mo, Gaude. Kasi ang alam ko, kapag nasanay sa bukid ang isang tao, baka hindi niya maiwan ang pagtatanim. Di ba sabi mo masipag magtanim ang tatay mo?’’
“Opo Lolo. Napakasipag po niya.’’
“Pumayag kayang dito tumira?’’
“Pipilitin ko po.’’
“Sige. Para makilala ko ang tatay mo. Kailan mo siya susunduin?’’
“Kapag malapit na po ang graduation ko. Siya po at ikaw ang gusto kong magsabit sa akin ng me-dal. Dalawa po kasi ang medal ko.’’
“Ganun ba? Sige.’’
DALAWANG linggo bago ang graduation ni Gaude, sinundo niya ang ama.
Naabutan niyang naggagapas ito ng palay.
“Itayyyy!’’
Tumigil sa paggapas ang ama at tiningnan kung sino ang tumawag. Nang makilala ay napasigaw.
“Gaudencio!”
Lumapit ang ama sa kanya. Sabik na sabik ang ama dahil ngayon lang uli sila nagkita. Apat na taon siyang hindi umuwi at pawang sa sulat lang sila nagkakabalitaan. Mara-ming hindi alam ang tatay niya sa mga nangyari sa kanya sa Maynila. Ikukuwento niya ang mga iyon.
(Itutuloy)