Sinsilyo (226)

LALO pang nagulat si Gaude sa mga sumunod na sinabi ni Lolo Amboy, isa sa mga matanda na nakatira sa bahay ni Tito Mau ukol sa nangyari kay Kastilaloy.

“Nakakandado raw ang pinto ng kuwarto ni Kastilaloy kaya hindi agad nakalabas. Kung nakalabas siya bakasakaling buhay siya!’’

“Paano pong nakakandado, Lolo Amboy?’’

“Basta ganun lang ang usap-usapan. Ikinandado ang pinto nito kaya hindi nakalabas. At ang balita pa, nang matagpuan si Kastilaloy ay mara-ming kayakap na barya. Pawang barya raw ang nasa palad. Mga sunog din ang barya. Napakarami raw ng nagkalat na barya!’’

“Ganun po ba?’’

“Mas maraming alam si Kandoy dahil siya yata ang nakakita sa bangkay ni Kastilaloy. Kaso, e nasa ospital siya  at binabantayan si Mau.’’

“Saan pong ospital, Lolo Amboy?’’

Sinabi ng matanda. “Diyan lang yun o, malapit lang.’’

“Opo. Alam ko po yun, Lolo.”

“Grabe ang tinamong sunog ni Mau. Halos nasunog yata ang mukha, Grabe ang nangyari. Mabuti at nailigtas siya ni Kandoy. Utang niya kay Kandoy ang buhay.’’

“E Lolo, si Lyka po? Nasaan siya?”

“Walang balita kung nasaan si Lyka.’’

“Ganun po ba?’’

“Walang nababanggit ukol sa babaing yun.’’

“E ano raw po ba ang pinagmulan ng sunog, Lolo?”

“Kalan na de gas. Yung malaking lutuan  sa kusina. Di ba ginagamit mo yun. Naiwan daw na bukas ang kalan. Sumingaw ang gas at nasunog na ang bahay!’’

Nahihiwagaan si Gaude. Sabi ni Lolo Kandoy, kandila raw ang gagamitin bakit naging gas na sumi­ngaw.

“Sige po Lolo Amboy, pupuntahan ko si Lolo Kandoy. Paano po kayo rito?”

“Sige lang, huwag mo kaming intindihin at sanay na kami rito. May magpapakain sa amin dito sa bara-ngay.’’

(Itutuloy)

Show comments