Sinsilyo (90)

ISA-ISANG isinalansan ni Gaude ang mga lata. Hindi niya alam kung ano ang balak ni Lolo Dune Kastilaloy at ipinasasalansan ang mga latang walang laman. Pero hindi na siya nagtanong at nagreklamo pa sapagkat alam niyang sisinghalan siya ng istriktong matanda. Susunod na lang siya nang susunod para walang problema.

Nang halos kapantay na niya ang mga nakasalansan na lata ay nagmando pa si Kastilaloy.

“Huwag masyadong dikit-dikit ang mga lata para hindi mabuway. Medyo luwangan mo para hindi maguho.’’

Sinunod ni Gaude. Nilu­wangan niya ang pagitan. Ingat na ingat siya sa pagsasalansan at baka maguho. Uulitin uli niya ang pagsasalansan kapag naguho iyon. Gusto niyang sabihin kay Kastilaloy na hindi dapat mataas ang pagkakasalansan ng mga lata para hindi maguho. Pero baka singhalan siya. Sinu­nod na lamang niya ang iniutos na huwag masyadong pagdikitin.

Hanggang sa maging kapantay na ni Kastilaloy ang salansan. Natuwa ang matanda.

“Ganyan! Sige, patu­ngan mo pa ng isa. Marami pa namang lata. Huwag kang matakot na magigiba yan dahil may gagawin ako para tumibay,” sabi ng matanda habang pinagmamasdan ang mga lata.

Nang mabuo ang salansan ay nagmistulang may kuweba sa dakong iyon ng pader. Hindi pa rin maunawaan ni Gaude kung bakit ipinagawa iyon sa kanya ng matanda. Ano kayang iniisip nitong gawin sa tila mistulang kuweba ng mga lata.

“Sige, alis na diyan, ako nang bahala diyan!” Sabi ni Kastilaloy.

Lumayo si Gaude. Hindi na niya tiningnan ang ginawa ng matanda sa kuweba ng mga lata.

(Itutuloy)

Show comments