Sinsilyo (83)

NARINIG ni Gaude ang pag-flush ng inidoro. Dyuminggel lang si Lyka. Maya-maya ay lumabas na si Lyka. Nakangiti ito kay Gaude.

‘‘Salamat, Gaude.’’

Tumango lang si Gaude. Hindi na niya ito hinabol ng tingin nang magbalik sa kuwarto ni Tito Mau. Mukhang mabait at palabati si Lyka. Saan nga kaya ito nakilala ni Tito Mau? Mabuti at pinapayagan ito ng mga magulang na makipag-live-in.

Ipinagpatuloy niya ang paglilinis sa mga pinggan at baso. Kaila-ngan ay malinis ang mga iyon at baka mapintasan ni Lyka.

Walang sinasabi si Tito Mau kung magluluto siya ng pagkain para sa kanila ni Lyka. At saka ano ba ang alam niyang lutuin? Baka hindi magustuhan ni Lyka ang mga niluluto niya na bagay lamang sa mga ‘‘alagang matanda’’.

Mula nang dumating si Lyka, pawang pa-deliver ang pagkain ng mga ito --- umaga, tanghalian at hapunan. Mahigit P1,000 ang bawat pa-deliver. Alam niya ang halaga sapagkat siya ang tumatawag para magpa-deliver. Kadalasang fried chicken ang inoorder. Pagkatapos, kumain ay ilalabas ni Tito Mau ang pinagkainan. Inilalagay nito ang mga tira sa lalagyan ng kaning-baboy.

Pagkatapos ay balik uli sa kuwarto nila.

Minsan, nakita niyang sabay maligo ang dalawa. Dahil malapit lamang ang banyo sa kusina na pinaglulutuan, naririnig niya ang pagtawa ni Lyka. Nangingibabaw ang tawa ni Lyka. Pagkatapos ay tatahimik. Parang walang tao sa banyo. At pagkaraan ng mga 20 minutos siguro ay maririnig uli niya ang tawa ni Lyka.

 

TUWING gabi, pagkatapos mag-aral ng leksiyon, ay nagbibilang siya ng barya. Kapag hindi siya nagbilang, matatambakan siya. Walang pagkaubos ang mga barya sapagkat regular ang pagpapalimos ng mga matatanda.

Isang gabi, abala sa pagbibilang si Gaude nang makarinig siya ng katok sa pinto. Si Tito Mau.

‘‘Marami ka nang na-bilang Gaude?’’

‘‘Opo.’’

‘‘Mga magkano?’’

‘‘Twenty thousand po.’’

“Puwede na. Bukas, idedeposito ko na. May bibilhin ako.’’

Napatango na lang si Gaude.

“Siyanga pala, lagi mong isasara ang pinto ha. Huwag mong ipakikita kay Lyka ang mga barya.’’

Tumango si Gaude.

(Itutuloy)

Show comments