NAISIP ni Gaude, mapupuno ng barya ang kanyang kuwarto kapag hindi tumigil sa pagpapalimos sina Lolo Kandoy. Ayon sa matanda, may panahon na araw-araw sila kung magpalimos. Mas malakas ang pagpapalimos tuwing Disyembre sapagkat magpapasko at kung mahal na araw. Araw-araw ang sampa ng pera. Mas mahina raw kung panahon ng tag-ulan sapagkat laging baha sa kalsada. Sabi ni Lolo Kandoy, lumulubog daw ang Espana Blvd. sa mga buwan ng Hulyo at Agosto kaya walang dumadaang sasakyan. Kailangan daw niyang magbago ng lugar para makarami ng pinagpalimusan.
Pinagmasdan muli ni Gaude ang nakabunton na mga barya. Kailangang apurahin niya ang pagbibilang ng mga barya para huwag matambakan. Kapag pinabayaan niyang dumami, baka wala na siyang matulugan pagdating ng araw.
Naisip din naman niya, paano kaya ang gagawin ni Lolo Dune Kastilaloy ngayong nasa kuwarto na niya ang mga barya? Hindi kaya magreklamo ang matanda kung bakit dito na itinambak ang mga barya. Baka pagsabihan siyang tonto at magmura pa ng sinberguenza. Masyadong masakit magsalita ang matanda na para bang siya ang nagpapakain gayung wala naman palang ginagawa. Lata lang pala ang kontribusyon nito. Bigla, naisip ni Gaude, paano nga pala ang mga lata na pinaglagyan ng barya? Saan niya itatambak ang mga iyon? Ibigay kaya niya kay Kastilaloy?
Si Tito Mau ang dapat magpasya. Ayaw niyang basta ibigay ang mga lata sa reklamador at istriktong matanda. Baka murahin na naman siya nito ay mapuno na siya. Pero pipilitin niyang magpakahinahon kapag kausap ang matanda. Siya ang dapat magpasensiya.
(Itutuloy)