BALAK ni Gaude na puntahan si Lolo Kandoy sa kuwarto nito kinabukasan pero marami siyang ginawa at kailangan ding mag-aral ng leksiyon sapagkat exam na. Kaya sa gabi na lamang niya ito pupuntahan. Mas mabuti kung sa gabi para mas mahaba ang kanilang kuwentuhan. Maitatanong na niya lahat dito ang mga gusto niyang itanong.
Lalo naging madali para kay Gaude ang ba-lak na pakikipag-usap sa matanda nang makita niya itong papalapit sa kanya. Papasok na siya noon sa school. Alam ni Gaude na bibigyan siya nito ng baon. Hindi sumisira sa pangako ang matanda. Hindi malilimutin. Alam kung anong oras siya papasok.
“Gaude, etong baon mo. Kuwarenta pesos yan!”
“Beinte na lang Lolo. Hindi ko pa nagagastos ang binigay mo nung isang araw.”
“E ba’t hindi mo ginagastos? Nagtitiis ka ng gutom sa school. Masama yan. Baka ka magka-ulcer. Mabubutas ang bituka mo.’’
“Busog naman po ako.’’
“Tanggapin mo na itong kuwarenta para marami kang pambili ng pagkain.’’
“Baka naman po ikaw ang mawalan ng pera. Kailangan mo ang pera dahil matanda ka na.’’
“Hindi ako mawawalan. Ang masipag hindi nawawalan ng pera. Yung mga tamad na nagpapalaki ng bayag ang kawawa pagdating ng araw.’’
Para wala nang marami pang usap, kinuha ni Gaude ang kuwarenta pesos. Da-lawang tigbi-beinte. Paano kaya nagkaroon ng P20 bill ang matanda gayung pawang barya ang nililimos sa kanya.
“Marami akong na-pera kahapon kaya walang problema, Gaude. Basta huwag mong isipin na mawawalan ng pera. Isipin mo, meron, he-he!”
“Lolo puwede ba ta- yong magkuwentuhan? Marami lang akong itatanong sa’yo.’’
“Aba oo. Kailan? Nga-yon na?”
“Mamaya pong gabi. Pupuntahan kita sa kuwar-to mo.’’
“Sige. Mabuti nga para may kakuwentuhan ako. Hindi agad ako makatulog. E tungkol ba saan?”
“Mamaya na lang, Lolo.”
“Sige.”
KINAGABIHAN, pagkatapos magawa ni Gaude ang lahat nang responsibilidad, tinungo niya ang kuwarto ni Lolo Kandoy.
Hinihintay na pala siya ng matanda.
“Kanina pa kita hinihintay. Halika, maupo ka sa silyang ‘yan.’’
Naupo si Gaude.
“Lolo, hindi na ako magpapaliguy-ligoy, nakita po kita kahapon na namamalimos sa Espana Blvd. Bakit ka pa nagpapalimos, Lolo?”
Hindi makasagot. Nakatingin lang sa kanya.
“Bakit po, Lolo? Di ba kumakain ka naman dito sa oras.”
Napaluha ang matanda. Hindi na napigilan. Hanggang sa magsalita na.
“Namamalimos ako para may maibigay sa taong kumupkop sa akin.”
“Kay Tito Mau?”
Tumango. “Kay Mau naman napupunta ang pinagpalimusan ko!”
Gimbal si Gaude.
(Itutuloy)