PINAGMASDAN ni Gaude ang mga lata na nasa ilalim ng kama. Nakasalansan. Halos pare-pareho ang laki at taas ng mga lata.
Nag-isip si Gaude kung sisilipin o hindi ang mga lata. Kasalanan iyon na parang nakikialam siya sa kuwarto na hindi naman niya pag-aari. Baka biglang dumating si Mau at mahuli siya na tinitingnan ang mga lata. Baka isipin na pinakikialaman niya ang mga iyon.
Pero nanaig kay Gaude ang kuryusidad na malaman kung ano ang laman ng mga lata. Hindi siya nakapagpigil. Pero bago ginawa ang pagsilip sa laman ng mga lata ay nakiramdam muna siya kung may paparating na tao sa kuwarto. Baka biglang dumating si Mau o kaya ay may matandang maÂkakita sa kanya.
Nang matiyak na walang paparating, lumuhod siya at saka sinilip ang mga laman ng mga lata. Gulat siya sa nakita! Mga barya! Mga sinsilyo ang laman ng mga lata. May P10, P5, P1 at 25 sentimos. Lahat sa pakiwa-ri niya ay may laman ang mga lata.
Nag-aalkansiya si Tito Mau! Napakarami alkansiya! Sabagay siya man ay mahilig ding mag-alkansiya. Nung high school siya ay nag-aalkansiya rin siya. Gumawa siya ng alkansiyang kawayan. Isang biyas ng kawa-yan. Binutasan niya na kasya ang P10 at P5. Kapag may sobra sa baon niyang P20 ay inihuhulog niya. Marami rin nang maipon. Idinagdag niya sa pambili ng pang-graduation na damit. Natulungan niya ang tatay.
Tumayo siya sa pagkakaluhod at winalis ang mga alikabok sa bahaging ilalim ng kama. Kakaunti ang alikabok. Baka nagwawalis si Tito Mau.
Bakit kaya ayaw ibanko ni Tito Mau ang pera niya?
Bago siya lumabas sa kuwarto ay muli niyang sinulyapan ang mga lata.
KINABUKASAN, nagwawalis siya sa salas nang lapitan ni Mau. Nagulat siya sa paglapit ni Mau. Galing ito sa kuwarto.
‘‘Nilinis mo ba ang kuwarto ko, Gaude?’’
Parang galit yata si Tito Mau.
‘‘Opo. Winalisan ko po.’’
‘‘A, sa sunod huÂwag mo nang wawalisan. Ako na ang bahala sa kuwarto ko.’’
‘‘Opo.’’
Pumasok na si Mau sa kuwarto.
(Itutuloy)