Halimuyak ni Aya (453)

MASAYA si Imelda matapos silang mag-usap ni Noime. Ngayon pa lamang ay nahuhulaan na niyang magkakaroon ng positibong resulta ang ginagawa nila. Sa tulong ni Noime at Tikboy at pati na rin ang mabait na empleado ng Royal Saudi Navy ay maaaring magkausap o kaya’y magkita sina Doc Sam at Commodore Abdullah Al-Ghamdi. Walang imposible, sabi nga ni Noime. Lumakas ang loob ni Imelda dahil sa positibong pananaw ni Noime. Napakabait ni Noime at Tikboy at maging ang kaibigang Pinoy na empleado sa Saudi Navy. At sabi ni Noime, ipakikilala siya ni Tikboy sa kaibigang Pinoy para sila na ang magkukuwentuhan ukol kay Abdullah Al-Ghamdi. Naisip ni Imelda, bakit ba hindi niya naitanong kung ano ang pangalan ng Pinoy na empleado sa Saudi Navy. Documentation specialist daw ito sa Saudi Navy at matagal na ring nagtatrabaho roon. Siguro nga ay matagal na dahil kilalang-kilala na si Abdullah. Nasabi pa nga na mabait daw sa mga Pinoy si Abdullah. Baka mabait sa mga Pinoy, dahil nga ang naging maid nila noong araw ay Pilipino at isa pa, naanakan niya si Cristy. Napabuntunghininga si Imelda sa naalalang iyon.

Posibleng magkita o magkausap si Abdullah at Doc Sam. Ngayong may tulay na sa dalawa, maaaring mangyari sa mga darating na panahon.

Pero magustuhan kaya ni Sam? Hindi kaya magalit sa ginagawa niyang paghahanap kay Abdullah? Hindi kaya magkaroon sila nang hindi pagkakaunawaan kapag nalaman ang ginagawa niya.

Naisip ni Imelda na kausapin si Aya.

‘‘May sasabihin ako sa’yo, Aya.’’

“Ano po ‘yun Tita Imelda?’’

Ipinagtapat niya ang ginagawang paghahanap sa ama ni Sam na si Abdullah. Sinabi niya na si Doc Paolo ang naging maigting para hanapin si Abdullah. Nagkakaroon na ng linaw ang paghahanap.

‘‘Ako po ang bahala Tita Imelda sakalit hindi magustuhan ni Sam ang ginagawa n’yo ni Papa.’’

‘‘Sa palagay mo magugustuhan ni Sam na magkita silang mag-ama?’’

‘‘Sigurado Tita. Kung ako nga ay sabik na sabik makita si Papa, si Sam pa kaya? Palagay ko, gustong-gusto ni Sam na mayakap ang kanyang ama.’’

Si Imelda naman ay hindi makapagsalita. Pero sa isip niya, ngayong pati si Aya ay nagbigay ng positibong reaksiyon sa ginagawa niya, lalo siyang nagkaroon ng lakas ng loob na ituloy ang sinimulan. Kailangang makilala niya ang Pinoy na empleado ng Saudi Navy para maplantsa ang pagkikita nina Sam at Abdullah sa mga darating na panahon. Inimadyn ni Imelda ang masayang pagkikita. (Itutuloy)

Show comments