Halimuyak ni Aya (344)

LUMAPIT pa si Dra. Sophia sa naka-frame na retrato ng dating asawa at walang sama ng loob na ipinakilala ito kina Sam at Aya. “Siya si Dr. Paolo del Cruz, asawa ko dati. Mayroon na siyang sariling pamil­ya at natanggap ko na ang pangyayaring iyon. Nakalampas na ako sa pinakamabigat na pagsubok sa aking buhay…’’

Si Aya ay gustong mapaiyak pero pilit niyang pinipigil. Kapag hindi niya pini­gil, maaaring malaman ni Dra. Sophia ang “lihim” niya. Pero hindi rin niya napigil at mayroong sumungaw na luha sa mga mata. Si Sam naman ay pina­kikiramdaman siya. Kabisado na ni Sam ang kanyang ugali.

Nagpatuloy naman si Dra. Sophia sa pagsasalita habang nakatingin pa rin sa nakakuwadrong larawan ng dating asawa. “Alam ko naman kung ano ang dahilan at nagkaro­on ng lamat ang aming pagsasama. Hindi ko siya mabigyan ng anak. Hindi ko siya masisisi kung maghanap ng babaing magbibigay sa kanya ng anak. Wala akong magawa kundi hayaan siya. Hindi ko naman maipagpipilitan ang sarili dahil wala naman akong kakayahan. Kaya para maging maligaya siya, hinayaan ko na lang sa piling ng gusto niya…’’

Umagos pa ang luha ni Aya. Parang bukal na umagos sa pisngi at pumatak sa kanyang blusa. Naaawa siya kay Doktora. Gusto niyang maga­lit sa kanyang papa na iniwan ang isang babaing napakabait at napakamaunawain.

Nakikiramdam naman si Sam kay Aya. Sana walang mahalata si Doktora sa pag-iyak ni Aya.

Nagpatuloy naman si Doktora sa pag­sa­ salita pero hindi na nakatingin sa ku­wadro ng asawa. “Pero natanggap ko na ang lahat. Wala nang hinanakit sa puso ko. Wala nang anumang pagkaawa sa sarili at wala na ring inaalagaang mga basura sa isip. At lalo pa akong naging maligaya ngayon dahil narito kayong dalawa, Sam, Aya.Walang kasing ligaya ang aking nadarama ngayon.’’

(Itutuloy)

Show comments