Halimuyak ni Aya (206)

“BAKIT mo po naitanong, Doktor kung gusto kong lumipat ng bahay?” tanong ni Sam na punumpuno ng pagtataka.

“Kasi naaawa ako sa’yo. Paano ka makapag-aaral nang maayos kung hindi maganda ang iyong tirahan. Ang mga katu-   lad mong masipag mag-aral ay nararapat na tulungan…”

Napangiti si Sam. Pero nagtataka pa rin siya   kung bakit biglang naisip iyon ni Dr. Del Cruz.

“Salamat po, Doktor.’’

“Mayroon akong  boar­ding house sa Dapitan St. Malapit na malapit lang sa pinapasukan mong unibersidad. Binili ni Mama ang property noon pa at pinaupahan sa mga estudyante. Nang mamatay si Mama, pinamana sa akin. Ganoon pa rin ang sistema hanggang ngayon. Pawang mga estudyante pa rin ang nakatira. Hindi ko pinauupahan nang mahal. Naaawa kasi ako sa magulang na nagpapaaral. Karamihan pa naman ay mga estudyante na galing probinsiya. Two storey ang bahay. Malaki ang lote, mga 200 square meters. Noong bago magbukas ang school year ay pina-renovate ko. Pinadagdagan ko ng kuwarto. Meron para sa gustong mag-bed spacer lang at meron din para sa gustong magsolo ang kuwarto.’’

Tumigil sa pagsasalita si Doktor at tumingin kay Sam.

“Gusto mo bang lumipat, Sam?” tanong nito.

Napangiti si Sam. Ala-nganin ang sagot, “E baka po hindi ko kayanin ang bayad, Doktor.”

“E sino naman ang nag­sabi na magbabayad ka?”

“Po?”

“Aalukin ba kitang doon tumira kung pagbabayarin kita? Ang gusto ko lang, e maging maayos ang pag-aaral mo. Magtutuloy ka kasi ng Medicine, e di mas lalo pang magiging dibdiban ang pag-aaral mo. Kung ako nga noon na ma­ayos na ang tirahan ay nahirapan sa pag-aaral e di mas lalo pa kung miserable ang tirahan – mainit, masu-rot, mapanghi, maalikabok, malamok, etc.’’

Hindi na naitago ni Sam ang kasiyahan. Tama si Doktor, malaki ang epekto sa katulad niyang estud-yante kung hindi maganda ang tirahan. Yung kanyang tinitirahan sa Extremadura St. ay mainit at malamok. Pero dahil kaya niyang magtiis, natatagalan niya ang sitwasyon. Mas matatagalan naman kasi niya ang ganoong sitwasyon kaysa sa pagsalitaan nang masakit ng katulad ni Janno. Mapapagtiisan niya ang hirap sa tirahan pero hindi ang mapanlait na panana­lita na hayop na si Janno.

“So, okey na sa’yo, Sam.”

“Sige po Doktor. Marami pong salamat.’’

“Sa Linggo ka na lumi­pat. Bukas ay ipatatapos ko pa ang  built-in cabinet para maayos ang lalagyan ng damit at pati na rin  ang sa kitchen.’’

Napatangu-tango si Sam. Napakabait ng doctor na ito.

“Kapag nakatira ka na roon, puwede ka nang dalawin ni Aya. At puwede na rin kaming magkitang mag-ama. Di ba, Sam? Okey bang plano ko.”

“Opo. Maganda po.”

“Ipaalala ko lang Sam, huwag mo munang sasa­bihin kay Aya na sa akin ang boarding house.’’

“Opo.”

Natapos ang pag-uusap nila.

NAGTAKA ang may-ari ng boarding house nang magpaalam si Sam. Maski ang ka-bed space niyang si Anton ay nagtaka sa biglang pag-alis ni Sam.

Linggo. Lumipat na si Sam sa apartment ni Doktor. Maganda ang magi-ging tirahan niya.

“Ano sa palagay mo Sam? Okey na ba ‘to sa ‘yo?”

“Opo, Doktor. Napakaganda po!” (Itutuloy)

Show comments