Alakdan(258)

“NAPAIYAK ako nang ma­ kita si Dolfo. Akala ko hindi na naman siya ma­kakarating. Yung naranasan kong hirap sa pa-nganganak ay napa­litan nang kasiyahan sapagkat magkakasama kami ni Dolfo. Tamang-tama na Pasko noon.

“Sabi ni Dolfo, tumakas lang siya sa kanila. Marami raw bisitang dumating sa kanila. Mga kaibigan daw ng kanyang asawa. Marami raw handa sa kanila. May mga nag-iinu­man daw. Sinamantala niya ang pagkakataon at umalis. Nagtungo raw siya sa bahay pero nang makitang sarado, alam na niya kung ano ang ibig sabihin niyon — nanganak na ako. Alam na niya kung saang ospital pupunta.

“Agad na nagtungo si Dolfo sa nursery para makita ang aming anak. Sinabi ko sa kanyang babae ang aming anak. Nang magbalik si Dolfo mula sa nursery ay tuwang-tuwa siya. Maganda raw ang aming anak. Tiyak daw na paglaki nito ay lalo pang lulutang ang ganda. Tamang-tama raw ang naisip naming pangalan na Marie Christmas at ang nickname ay Kreamy.

“Bumili nang maraming pagkain si Dolfo. Lumabas siya at naghanap ng restaurant. Kailangan daw ay mag-celebrate kami dahil isinilang ang aming anak. At bukod doon ay Pasko. Kumain kami. Ang pinsan ko ay masaya rin at tanggap naman si Dolfo. Walang masamang sinasabi ang pinsan ko. Kung saan daw ako maligaya, iyon ang gawin ko. Nauunawaan niya ako. Nakahanda raw siyang tulungan ako at damayan sa lahat ng oras.

“Maghapon kaming nagkuwentuhan ni Dolfo. Sabi ko sa kanya, baka hinahanap na siya ng kanyang asawa. Huwag ko raw intindihin ang kanyang asawa. Uuwi siya kung kailan niya gusto. Napansin ko na matapang na si Dolfo. Bakit kaya ganun ang nasabi niya?

“Kinabu­ka­san na umu­wi si Dolfo. Sabi niya, babalik  uli siya. Siya raw ang susundo sa amin. Hihi­ram daw siya ng sasakyan para sakyan namin pag-uwi.

“Tinupad ni Dolfo ang sinabi. Makalipas ang dalawang araw ay nagbalik siya. May dalang FX. Sa kumpare raw niya. Iyon ang sinakyan namin pauwi. Ang pinsan ko ang may karga kay Kreamy. Masayang-masaya kami. Lalong napamahal sa akin si Dolfo sapagkat ipinakita niya na mahalaga ako at aming anak sa kanya.

“Nang dumating kami sa bahay ay siya pa ang nag-ayos ng crib na pag­lalagyan kay Kreamy. Tuwang-tuwa siya. Parang ayaw na nga niyang umuwi sa kanila.

“Hanggang may sabihin siya sa akin. Kapag daw napatunayan niya ang ginagawa ng kanyang asawa, baka tuluyan na niya itong hiwalayan at kaming dalawa na ang magsama…” (Itutuloy)

Show comments