Alakdan (253)

“NATUKLASAN ko kasing buntis ako noong si Dolfo ay nasa bakasyon dito. Hindi ko malaman ang gagawin. Litung-lito ako. Napakahirap pala ng kalagayan na ikaw ay buntis tapos wala kang mapaghingahan ng problema. Sumulat nga ako kay Dolfo pero hindi ko alam kung matatanggap niya ang sulat…pero bago nagbakasyon si Dolfo may usapan kami na anumang mangyari, kaming dalawa pa rin. Halimbawa ay madis­kubre ng kanyang asawa ang aming relasyon, sa akin pa rin siya. Pipilitin daw niyang mapaikli ang bakasyon. Ang bakasyon daw niya ay 30 days pero pipilitin daw niyang gawing 20 days kung hindi mahahalata ng kanyang asawa. Pero hindi natuloy iyon sapagkat ayon kay Dolfo ay nagyaya raw ang asawa niya sa Oas  at nagtuloy daw sila sa Mogpog, Marinduque. Binisita raw nila ang mga nabiling lupa roon. Malaki raw ang lupain nila roon. Sunud-sunuran daw siya sa  asawa para hindi mahalata na mayroong ginagawang milagro sa Saudi.’’

“Paano mo po nalaman na buntis ka Mam Siony?” tanong ni Troy.

“Madalas akong mahi­lo at naduduwal. Agad na naisip ko, buntis ako. Agad akong nagbilang mula nang huli kaming magtalik ni Dolfo. Hindi ako maaaring magkamali na may pumi-pintig na ngang buhay sa sinapupunan ko. Balak ko sanang magtungo sa isang clinic para makasiguro pero hindi ko ginawa dahil maaari akong malagay sa peligro. Baka magkaroon ng imbes­tigasyon. Baka hanapan ako ng papeles at marriage contract. Kapag wala akong naipakita, tiyak na aakusahan ako ng pangangalunya…”

“Paano po ang nangyari, Mam Siony?”

“Hinayaan ko lang. At na- ­ra­ ramdaman ko, unti-unti ngang umuumbok ang puson ko. Nagkakaroon na ng pintig ng buhay ang anak ko. Mga ilang araw pa at mahahalata na. Hindi maaaring ipaglihim.

“Kaya nang dumating si Dolfo makaraan ang 30 araw, halata na nga ang tiyan ko. Nakita ko ang katuwaan sa mukha ni Dolfo. Magkakaroon na siya ng anak. Sa wakas ay napatunayan niyang kaya niyang mag-produce ng supling.’’

“Ano po ang ginawa n’yo?” Tanong ni Troy na excited ang boses.

“Sabi ni Dolfo, dapat na raw akong umuwi. Mas mahirap daw kung sa Riyadh ako manganganak. Magpaalam daw ako sa aking mga amo na uuwi lang dahil may problema sa pamilya. Pero huwag na raw akong bumalik. Magsinungaling na lang daw ako kina Sir Abdulaziz at Mam Nuhra.

“Pero hindi ko maatim na magsinungaling sa mabait kong mga amo. Napakabuti nila sa akin at hindi ko magagawa na maglihim. Kapatid na ang turing ko sa kanila.

“Kaya isang araw, masinsinan kong kinausap si Mam Nuhra. Sinabi ko ang lahat sa kanya. Buntis ako at gusto ko nang umuwi. Mas mahirap kung dito sa Riyadh ako abutan ng panganganak at baka magkaproble-ma pa sila. Sinabi ko kay Mam kung sino ang lalaki.

“Naunawaan ako ni Mam Nuhra. Walang paninisi. Kung iyon daw ang mabu-ting paraan ay gawin ko. Kahit daw masakit na bigla akong mawawala sa kanila ay wala raw silang magagawang mag-asawa. Nang sabihin ni Mam Nuhra kay Sir Abdulaziz ang tungkol sa akin, naunawaan din niya ako. Hindi siya nagalit. Napakabait talaga nila.

“Kung babalik daw ako sa kanila, tatanggapin nila ako. Ang hindi ko inaasahan ay nang pabaunan nila ako nang malaking pera. Gamitin ko raw sa panganganak at iba pang makabuluhang bagay…” (Itutuloy)

 

Show comments