Alakdan(248)

“NAGKAKILALA kami ni Dolfo sa isang store sa Batha,” pagkukuwento ni Siony kay Troy.

“Hindi po ba bawal dun ang mag-usap ang lalaki at babae sa public?’’

“Bawal kung sa kalsada at saka kung mayroong ginagawang malaswa. Pero sa loob ng store na pawang mga Pinoy din ang namimili e hindi naman masamang mag-usap. Kasi pag nasa Saudi para bang sabik din ang mga Pinoy na may mabati na kababayan. Para bang nakakaalis din ng kahomsikan na may makausap na kababayan.’’

“Nag-iisa lang po si Mang Dolfio nang oras na iyon?’’

‘‘Oo. Yung mga kasamahan daw niya ay nasa restawran at kumakain. Kanya-kanya raw sila ng lakad kapag may trip sa Batha.’’

‘‘Paano ka po binati ni Mang Dolfo?’’

‘‘Ganito kasi yun, naghahanap ako ng roasted peanut na made in Philippines. Mas masarap kasi ang mga mani na gawa rito kaysa roon. Hanap ako nang hanap sa mga eskaparate at nakailang ikot na ako pero hindi ko talaga makita.

“Napansin yata ako ni Dolfo na ilang beses nang pabalik-balik kaya tinanong ako. Ano raw ang hinahanap ko. E di sabi ko yung mani na gawa sa Pinas. Itinuro sa akin kung saang eskaparate. Nasa sulok pala ang mga mani na gawang Pinas. Nagpasalamat ako kay Dolfo. Walang anuman daw. Tinanong niya ako kung saan daw sa ako sa Pinas. Sabi ko ay sa San Pablo.

‘‘Tinanong ang aking pangalan at sinabi rin naman ang name niya. Tinanong ako kung lagi ako sa Batha tuwing Biyernes. Sabi ko ay hindi naman madalas. Kapag nagustuhan ko lang. Sila raw ay laging nasa Batha kapag Biyernes at namamasyal. Bibili ng kung anu-ano, kakain at saka magpapadala ng pera sa Al-Rahji Bank patungo sa pami-pamilya.

“Tinanong niya ako kung may pamilya na. Sabi ko’y dalaga pa ako. Nag-sorry siya sa pagkakatanong niya. Sabi ko’y okey lang. Talagang napagkakamalan ako na may asawa dahil sa abaya na suot ko.

“Tinanong niya ako kung matagal na rin sa Riyadh. Sabi ko’y matagal na rin. Noong magkakilala kami ay mga limang taon na ako sa mga amo ko. Siya raw ay matagal na. Hindi naman niya sinabi kung gaano katagal pero nabanggit niya na noong Gulf War ay narito na siya. Kinuwento niya na mayroong bumagsak na scud missile sa malapit sa housing nila.

“Natigil lang ang pag-uusap namin nang may makita kaming isang motawa na napagawi sa lugar namin. Ang motawa ay mga Saudi na nagsisilbing religious police. Kapag oras ng salah o pagdarasal ay pinalalabas nila ang mga nasa loob ng establishment. Ipinapad-lock ang store kapag oras ng salah.

“Nagpaalam na sa akin   si Dolfo. Pero bago umalis, sabi niya sa akin, pupunta uli siya sa store na ito. Sana raw ay magkita uli kami. Ituturo raw uli niya ang kinaroroonan ng mga mani na galing Pinas.

‘‘Lihim akong napatawa sa sinabi niya. Mabiro pala si Dolfo, naisip ko.

‘‘Sumunod na Biyernes, ganunding oras ay nasa loob uli ako ng store. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Gusto kong makitang muli si Dolfo…’’

(Itutuloy)

Show comments