Buboy sinagot ang bintang na pambubugbog, pananakal ng ex; Sanya nai-in love na sa Chinese businessman
Todo iwas si Buboy Villar sa intrigang kinasangkutan niya nang humarap ito sa media conference ng pelikulang Samahan Ng Mga Makasalanan na ginanap sa Seda Vertis noong Huwebes ng hapon.
Hindi na nga diniretso ng kasamahan namin sa panulat na si Rose Garcia kung ano ‘yung gusto nitong iparating sa kinakaharap niyang isyu. Pero tila malayo ang sagot nito. “Para sa akin, napakaganda ng pelikula. Ang dami nitong aral na parang humarap sa akin dito sa movie na ito. Kaya sa lahat ng mga makasalanan, may chance pang magbago,” sagot niya.
Pagkatapos ng mediacon ay kaagad na pinaalis si Buboy para hindi na maharang ng mga reporter. Pero meron pala siyang exclusive interview kay Nelson Canlas ng 24 Oras. At doon niya sinagot ang lahat ng mga alegasyong ibinato sa kanya ng dating karelasyong si Angillyn Gorens.
Mariin niyang itinanggi ang ipinost ni Angillyn sa kanyang Facebook account na sinasaktan daw siya ng aktor, sinasakal, minumura, lalo na raw ‘pag lasing ito. “Dumaan sa buhay ko po na ‘yung tatay ko rin ay nananakit sa aking nanay. Alam ko po na mali na manakit ng babae.
“Mahal na mahal ko ‘yung nanay ko kaya kahit kailan hindi ko maisipan na saktan siya. Malabo po ‘yun,” saad ni Buboy.
Pagdating sa sustento sa dalawa nilang anak ay pinag-usapan din daw nila ito sa VAWC o Violence Against Women and Children, kasama ang magulang ni Angillyn. “Last year, I think medyo po ako sa taon, pero last year ‘yun. Nandun kami, nag-usap kami. Sinabi ko talaga kung ano ‘yung parang kaya ko as a father.
“So, naisarado naman po namin nang maayos ‘yun. Kaya ‘yung mga ganitong pangyayari, alam mo ‘yun, kung isipin kong mabuti po, nakakalungkot, nakakalungkot,” sabi pa ng Kapuso comedian.
Sana’y maging mahinahon na lang daw ang lahat, kaya ayaw na rin niyang magsalita pa tungkol dito.
Ayaw raw niyang manira ng kapwa, lalo na’t ina ito ng dalawa niyang anak. Kaya ipinagdasal na lang daw niya ang lahat.
Kasama niya sa pelikulang Samahan ng mga Makasalanan sina David Licauco, Sanya Lopez, Joel Torre, Chariz Solomon, Betong Sumaya, Jay Ortega at marami pang Sparkle artists.
Ito ang first collaboration ng film production ng dating Ilocos governor Chavit Singson sa GMA Pictures.
Sabi ni Manong Chavit, tuluy-tuloy na raw itong pagpo-produce niya ng pelikula kahit hindi pa ganun kalakas ngayon ang movie industry. Hindi naman daw siya nag-aalala kahit namuhunan siya nang malaki sa pelikulang ito. At sa katunayan, meron na silang binubuong malaking project na ka-partner din ang GMA Pictures.
Kabilang daw sa maraming nakaplano na movie projects ay ang pagbibidahan ng dating action superstar na si Jean-Claude Van Damme. Meron din na collaboration sa Korean production.
Doon din sa media conference ng Samahan Ng Mga Makasalanan ay inamin sa amin ni Sanya Lopez na nasa dating stage na raw sila ngayon ng isang Chinese businessman.
Hindi raw ito taga-showbiz, kaya gusto niyang tahimik lang.
Happy naman daw siyang single pa rin hanggang ngayon, pero open naman siyang magkaroon ng karelasyon at malay natin, baka nga itong Chinese businessman.
“‘Yun nga. I’m just enjoying, no pressure. Tapos, kung sabihin ko naman talaga, kung sino man ‘yung talagang ibigay sa akin ni Lord, siya na ‘yun,” pakli ng Kapuso sexy actress.
Mukha namang seryoso itong ka-date niyang Chinese businessman, kaya posibleng maging sila. Baka ito na ang magiging first boyfriend niya.
“Siguro naman sa age natin, hindi na tayo maglalaro. When it comes to relationship naman, kahit kanino seryoso rin naman siya,” dagdag niyang pahayag.
Sa April 19 na ang showing ng Samahan Ng Mga Makasalanan na dinirek ni Benedict Mique.
- Latest