Kathryn at David mas kinakiligan, Alden hanggang sulyap lang body of work, umulan ng mga pwet at bukol!

Super trending pa rin sa X at Facebook kahapon ang katatapos lang na Bench Body of Work na ginanap sa SM MOA Arena noong Biyernes, March 21.
Ang dami kasing eksenang pinag-usapa kagaya ng pagpapasilip ni Edgar Allan Guzman ng makinis niyang puwet, ang pag-motor ni Jake Cuenca na naka-underwear, ang kissing moment nina Ruru Madrid at Bianca Umali, at kung anik-anik pa!
Pero ang isa sa pinag-usapan at trending talaga ay walang KathDen moment sina Kathryn Bernardo at Alden Richards.
Opening si Alden at closing naman si Kathryn at nagkita lamang sila sa finale kung saan magkasabay sila rumampa sa magkabilang bahagi ng stage, at sumusulyap-sulyap lang si Alden na nakangiti kay Kathryn.
Marami ang nakapansin na hindi sila nagkatabi sa harap at hindi sila nagkabatian doon. Ang dating tuloy sa karamihan ay nag-isnaban ang dalawa.

Mabuti na lang at may kuhang nagkita ang dalawa sa backstage at habang nakahawak si Alden sa beywang ni Kathryn.
Malamang na hindi lang na-highlight ang sikat nilang tambalan sa nasabing fashion show,

Ang masuwerte ay si David Licauco na kasama sa segment ni Kathryn at may fans na kinilig sa kanilang dalawa.
Pero nagkataon lang ‘yun at bentahe kay David dahil isa rin siya sa tinilian nang husto. Naalala lang namin nung mga nakaraang Bench show na nag-underwear pa si David pero wala gaanong pumapansin sa kanya. Ngayon kahit naka-topless lang siya, ang lakas ng tilian sa Pambansang Ginoo.
Hanggang sa labas nga pagkatapos ng show ay pinagkaguluhan pa siya ng mga tao pasakay ng kotse niya.

Ilan pa sa mga tinilian nang bonggang-bongga ay sina Joshua Garcia, Lovi Poe, at Hidilyn Diaz na nag-flex ng pang-weighlifting na katawan.
Pero hindi rin nagpahuli ang hot mommas na sina Ina Raymundo, Sunshine Cruz, Priscilla Meireilles at Max Collins.
Ang sexy pa rin talaga, lalo na sina Ina at Sunshine na mag-50 years old.

Naka-text ko si Sunshine kahapon, natutuwa siyang naitawid daw niya ang pagrampa sa ganu’ng kalaking stage. “First time rumampa sa ganyang kalaking stage wearing undies!” text niya sa akin.
Hindi na raw siya bata, kaya tinitiyak niyang ma-maintain pa rin ang ganda ng katawan at maging healthy. “Workout 3 to 4 times a week ako consistently for a year na din ang I choose to continue na. At 47, kailangan consistent na sa exercise for longer and happy life (smile emoji),” dagdag niyang mensahe.
Tatlong smile emoji lang ang sagot ni Sunshine nang tinext ko sa kanya kung anong reaction ng negosyanteng karelasyon na si Atong Ang sa pagrampa niya.
Kinumusta ko rin si Ina Raymundo sa manager niyang si Paula Punla, at tuwang-tuwa raw ang aktres na marami ang pumuri sa bonggang awarahan niya sa naturang show.
Nanood daw doon ang asawa ni Ina na si Brian Poturnak na proud siyempre sa aktres.
Gusto pa nga raw sanang manood ng anak niyang si Mikaela, pero 16 years old pa lang daw ito kaya hindi pa puwede. “Mag-50 na siya sa December, pero ang fit pa rin niya talaga. Pero gusto pa nga niyang magkaanak. Gusto niya marami pa siyang mga anak,” tsika ni Paula sa akin.
Napansin namin kay Kelvin Miranda na parang nahirapan siyang maglakad, ‘yun pala natapilok daw siya bago mag-fashion show.
Winner naman ang aktor at negosyanteng si RS Francisco nang sa kanya isinuot ni Derrick Monasterio ang garland na suot nito.
Medyo naloka lang kami sa isang sexy actor na parang may pitik nang pagkendeng habang rumarampa ito.
Ewan ko lang kung dahil sa suot niyang boots, pero iba lang talaga ang paglalakad ng isang aktor na kumekendeng ang beywang.
Napapag-usapan din namin pagkatapos ng Body of Work show ng Bench, iba pa rin talaga ang mga nakaraang fashion show ng naturang apparel.
Laging puno ang SM MOA at kahit ang Araneta Coliseum nung mga nakaraang taon, at iba talaga ang mga rumarampang artista sa ikumpara sa ngayon.
Tulad nina Cong. Richard Gomez at Mayor Lucy Torres, at ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera na umakyat din sa stage para samahan si Mr. Ben Chan pero hindi na sumali sa rampahan.
Dala na rin siguro ng social media kaya tila nawalan na ng mystery ang mga artista natin ngayon.
Pero para sa amin, ang pinaka-winner sa lahat ay ang SB19 na talagang plakado ang lahat na kilos.
At talagang dumagundong ang buong SM MOA mula sa paglabas hanggang sa natapos ang performance nila kung saan kinanta nila ang bagong single nilang Dam.
Iba talaga ang kilos nila na may class, at iba talaga kapag nasa stage na sila nagpe-perform, pang-international na ang dating.
Congratulations pa rin sa Bench ni Mr. Ben Chan na talagang sila lang ang nakakapag-organize ng mga malalaking artistang rumarampang naka-underwear.
- Latest