Luis may binura… Ate Vi, may pasaring na nandaya?!
Ngayon lang namin nakitang nag-post ang Star For All Seasons Ms. Vilma Santos ng cryptic message sa kanyang Facebook account.
Ang sabi niya, “Who betray you once, will betray you a thousand times. There is no need to drink the whole sea to realize that it’s salty.”
Kanino niya kaya ito tinutukoy?
Sa kainitan ng isyu ng Metro Manila Film Festival na kung saan tila naisnab sa nakaraang Gabi ng Parangal ang pelikula niyang Uninvited, maiintriga ka sa post niyang ito.
Kaagad naming tinext si Ate Vi kung kanino patungkol ang post na ‘yun.
Nilinaw namin sa kanya kung may kinalaman ba ‘yun sa showbiz o sa politics, pero as of this writing ay hindi pa siya nakakasagot.
Hanggang ngayon ay marami pa rin ang nag-e-emote sa kinalabasan ng pelikula ni Ate Vi.
May mga nagpo-post pang “Uninvited Was Robbed” daw, at ni-repost pa nga ito ni Luis Manzano sa kanyang Facebook.
Pero nang tsinek namin ulit kahapon ay hindi na namin ito nakita.
Sa takbo ng mga pangyayari, hindi pa rin nagpapakita ng lakas sa takilya ang mga pelikulang kalahok sa #MMFF2024.
Nasa 50th edition pa naman ito at inaasahang mas tataasan pa nito ang record nung nakaraang taon na umabot ng mahigit isang bilyong piso ang kinita. Pero ewan ko lang kung kakayanin dahil matamlay na sa karamihang mga sinehan.
Kahit nga ang top grosser na And The Breadwinner Is… ay mukhang mahirapang pantayan ang Rewind nung nakaraang taon.
Pero as of Saturday naka-P165M na raw ang Breadwinner… Kaya mukhang mahirap nang matibag ito sa top grosser.
Ang masaya ngayon ay ang mga taga-GMA Pictures na producer ng Green Bones.
Nagsimula sila sa mahigit 40 cinemas lang, pero as of yesterday ay halos 130 theaters na raw sila.
Tumaas ang kita nila pagkatapos ng Gabi ng Parangal dahil na rin sa word of mouth na maganda ang pelikula, at curious ang karamihan pagkatapos nitong nakakuha ng major awards, kagaya ng Best Picture, Best Actor na si Dennis Trillo at Best Supporting Actor na si Ruru Madrid.
Itinuturing ni Ruru ang sarili niyang ‘underdog.’
Marami raw siyang sinubukan, pero laging siya ang naiitsa-puwera, nahuhuli at laging natatalo.
Kaya itong failures niya noon ang unang pumasok sa isip niya nang siya ang tinanghal na Best Supporting Actor.
Itong pagiging underdog ang kaagad na pambungad niya sa kanyang acceptance speech bilang Best Supporting Actor trophy sa nakaraang Gabi ng Parangal ng MMFF.
Ipinost pa niya uli sa kanyang Instagram na inalay niya ang natanggap niyang parangal sa mga ‘underdog’ na kagaya niya.
“Maraming beses man tayong sinusubok, pero ito ang nagsisilbing lakas natin upang lalong pagbutihin ang ating ginagawa – hindi lamang para patunayan ang ating sarili sa mga taong hindi naniniwala, kundi bilang patunay sa ating sarili na karapat-dapat tayo dito,” bahagi ng mahabang caption niya sa kanyang Instagram post.
Tinanong na rin namin si Ruru kung ano ang nasa isip niya nung umakyat na siya ng stage para tanggapin ang kanyang Best Supporting Actor trophy.
“Hindi ko alam. Parang feeling ko, lahat ‘yun puso ‘yung nagsalita. Wala na akong naisip, wala na akong ibang nakikita. Parang lahat ‘yun galing sa puso… lahat ng pinagdaanan ko, lahat na hirap. Kaya sabi ko, it’s all worth it. It’s all worth it,” bulalas ni Ruru habang hawak-hawak pa ang mabigat niyang trophy.
Marami nga ang nag-react bakit siya inilagay sa Best Supporting gayung halos pareho lang ang bigat ng role na ginampanan nila ni Dennis Trillo.
“Kahit po supporting, best actor o kung ano man, basta po may parangal, malaking karangalan po ito sa akin, dahil after 12 years, ngayon lang po nangyari ito kaya thank you,” kaagad niyang sagot sa amin.
- Latest