Magtatatlong dekada na ang nakalilipas nang magbida si Lorna Tolentino sa Patayin Sa Sindak si Barbara. Ngayong taon ay muling nakagawa ng isang horror film ang beteranang aktres.
Magbibida sina Lorna at Judy Ann Santos sa Espantaho na isa sa mga kalahok sa nalalapit na Metro Manila Film Festival 2024. Ayon kay Lorna ay malaki na ang ipinagbago sa paggawa ng horror movie sa mga nakalipas na dekada. “Sa digital na lang ‘yung technical aspect, napakalaki ng pinagbago. Parang ‘yung mga effects na lumalabas sa atin ngayon is mas male-level up mo na sa international or sa ibang bansa. Makikita mo na, ‘Uy! Kaya na pala ng mga Pinoy na gumawa ng gano’ng klase ng mga effects,’ including the prosthetics na ginamit. Makikita mo talaga na nagiging at par for me sa abroad,” paliwanag ni Lorna sa ABS-CBN News.
Nagsilbing reunion project ng aktres at ni Chito Roño ang naturang MMFF entry. Para kay Lorna ay talagang mahusay ang direktor sa paggawa ng mga proyektong nakatatakot ang tema. “Siguro matagal na din kaming magkakilala, magkasama, madami na kaming pinagdaanan. Ngayon kasi, nakikita ko din passion niya, ‘yung hunger niya to be really the best sa film namin,” pagbabahagi ng beteranang aktres.
john, hinamon ang mga pulitiko na magpakatotoo
Bago naging artista ay nagsimula muna bilang mang-aawit si John Arcilla. Noong kabataan pa lamang ay sumasali na si John sa mga paligsahan sa pagkanta sa Baler, Aurora. “Amateurista ako. Ang ate ko, Ate Marivic ko, laging ‘Boy, mayroon ditong amateur singing contest sa Barangay 1, halika! Boy, may amateur contest sa Barangay Buhangin, sumama tayo.’ When I was 13, nag-change ‘yung vocal capacity ko, o ‘yung voice box ko. So, for the first time, nag-crack ‘yung voice ko. I was 13 or 12, I was singing Kapalaran (ni Rico J. Puno). From that on, 13 years akong nagka-stage freight. Hindi ako nakakanta sa stage. Doon ako nag-shift sa acting,” pagbabalik-tanaw ni John sa amin sa Fast Talk with Boy Abunda.
Samantala, nagbigay ng reaksyon ang premyadong aktor tungkol sa mga kapwa-artista na sumasabak sa mundo ng pulitika.
Para kay John ay kinakailangan munang maging totoo sa sarili upang makapaglingkod nang maayos sa bayan. “Lahat ng tao ay may karapatan na tumakbo sa pulitika at maging opisyal kesyo artista ka o hindi artista. Ang tanong, bakit ka nandiyan at pupunta sa pulitika? Para ba talaga maglingkod o para yumaman dahil wala kang pinagkakakitaan? Huwag kang magsinungaling, kasi kung para lang ‘yan sa pera, mali kaagad. Kasi ang pulitika o pagiging opisyal ng bayan ay para maglingkod. ‘Pag yumaman ka daw na nasa pulitika o gobyerno, hindi ka naglilingkod. Dapat malinaw sa ‘yo ‘yan. Mas i-define mo sa sarili mo kung totoo bang paglilingkod ang iyong gustong mangyari, kung bakit ka nandiyan. Kung hindi rin lang, huwag mo nang ituloy,” makahulugang pahayag niya.
Sa edad na limampu’t walong taong gulang ay marami na umanong imbitasyon na natanggap si John upang subukan ang mundo ng pulitika. “Tinanggihan ko lahat ng invitation sa akin. Tatakbo pa nga ako dapat ng konsehal sa Parañaque eh. Na-save ako do’n sa crisis na desisyon na ‘yon dahil naawa lang ako do’n sa nagpipilit sa akin na Congressman na sumali. Buti na lang meron akong program noon sa TV na hindi pala ako pwede mag-campaign habang ako ay nasa telebisyon. Eh na-tape na ‘yon, hindi na pwedeng burahin at kapag binura ‘yon, sira ‘yung buong kwento. I was saved by that particular incident in my life. It wasn’t meant, I was so thankful. At kung magkakainteres man ako sa pulitika ngayon, wala na akong stamina sa edad kong ito,” kwento ng aktor. Reports from JCC