Sikat na aktor, nilaglag ang gagawing pelikula nung nakabawi

May isa palang binubuong pelikulang pagbibidahan ng isang kilalang singer/actor na medyo napahinga ang movie career.

Matagal nang hindi siya nabibigyan ng magandang project, at kung matutuloy ito, magandang comeback movie niya ito.

Ang ganda ng kuwento, pero nakiusap ang producer na huwag munang ibigay ang buong detalye, dahil binubuo pa lang nila.

Pero napag-alaman naming isinulat ang kuwento ng film project na ito para sana sa isang sikat na aktor. Ang balak nila ay pabanguhin, pagandahin ang image ng isang sikat na aktor.

Bagay sa kanya ang kuwento, at kakaiba sa mga nagawa niya. Pero medyo nakabawi na ngayon si sikat na aktor, gumanda muli ang kanyang career, kaya dinedma na nila si producer na nag-isip, bumuo ng magandang material para sa aktor na ito.

Nadismaya ang producer at nalungkot na parang naitsa-puwera na sila porke’t gumanda muli ang image ni sikat na aktor. Kaya nag-isip sila kung sino ang magandang kapalit.

Inalok nila ito kay singer/actor na tumamlay ang career, nagustuhan niya at excited na siyang simulan ito. Kapag matuloy na ito, tiyak na makakabalik sa dating sigla ang movie career ni singer/actor.

KathDen, naka-3M Dollars na sa Amerika at Canada!

Patuloy pa rin ang lakas ng Hello, Love, Again, hindi lang dito sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa. Isang kaibigan sa Los Angeles, America ang nakausap namin at patuloy pa rin daw ang lakas ng naturang pelikula.

Pero ang latest na nasagap namin, natanggal na ito sa takilya ng North America nitong nakaraang weekend. Nakapasok pa ito sa top 10 nung nakaraang linggo, na kung saan nasa number 8, pero nitong huling check namin ay pumuwesto na ito sa number 13.

Pero halos 3M dollars din ang kinita nito sa Amerika at Canada.

Kaya ang laking achievement nito sa isang Pinoy film na talagang nakipagbakbakan sa mga malalakas na Hollywood films kagaya ng Wicked, Gladiator 2 at Red One.

Pero sa lakas ng tambalang KathDen, may pinag-uusapan na ang ABS-CBN at GMA Films na kasunod na project. Pero hindi raw ito pelikula. Ayaw lang sabihin ng aming source kung ano ito.

Huwag… at Idol…, sasalang sa mga sinehan

Ngayong araw ay magbubukas na sa mga sinehan ang mga bagong pelikula, ang Huwag Mo ‘Kong Iwan ng Bentria Productions tampok sina Rhian Ramos, Tom Rodriguez at JC de Vera, at ang Idol: The April Boy Regino Story ng Waterplus Productions na kung saan bibigyan ng break ang mga baguhang artists na sina John Arcenas at Kate Yalung.

Si John ang gaganap na April Boy Regino at si Kate naman si Madelyn, ang maybahay ng namayapang singer.

Ang laking challenge nito sa dalawang pelikulang lokal dahil palabas pa rin HLA at Wicked. Opening na rin ito ng Moana 2.

Pero may panlaban naman ang dalawang pelikulang lokal, katulad ng Idol: The April Boy Regino Story.

Sa nakaraang premiere night nito na ginanap sa Great Eastern Hotel nung Biyernes, dumalo si Maymay Entrata na kaibigan pala ni John Arcenas.

Puring-puri ni Maymay si John sa pelikulang ito.

May mga nagkukuwestiyon sa kakayahan nina John at Kate, pero tama nga bang sa kanila ipinagkatiwala ang mahalagang role na ito sa Idol: The April Boy Regino Story? Ani John, “Hindi naman po mape-please lahat ‘di ba? Pero ang sa akin lang po, ang dala-dala ko is ‘yung puso.”

Sabi naman ni Kate Yalung, “Basta ako po lagi ginagawa ko po ‘yung best ko, ‘yung craft ko po and pinag-aralan ko pong mabuti ‘yung script and ‘yung mga nuances nga po ni Tita Madelyn… ano po talaga, tsinek ko po talaga sa social media account niya kung papano po siya kumilos. So para sa akin, ginagawa ko lang po ‘yung best ko po sa lahat po na ginagawa ko.”

Kaya tingnan natin sa pelikulang ito na dinirek ni Efren Reyes Jr. kung anong magiging kapalaran sa takilya.

Show comments