MANILA, Philippines — May kasunod ng project si Jillian Ward pagkatapos ng very successful Abot-Kamay na Pangarap. Ito ay ang My Ilonggo Girl na kukunan sa Iloilo. Makakapareha niya si Michael Sager nakasama rin niya sa AKNP, kaya ‘yung shippers ng dalawa, masaya na muli silang mapapanood.
Isa ang series sa mga bagong shows ng GMA sa 2025 at ngayon pa lang, inaabangan na ng fans nina Jillian at Michael.
May mga reklamo rin kaming nababasa dahil akala raw nila, magpapahinga muna si Jillian, pero nakapagpahinga na siya ng one month, time to work again. Nag-guest nga siya sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis ni Sen. Bong Revilla at nabanggit ni Bong na tuloy ag pelikulang pagsasamahan nila ni Jillian.
Isa pang reklamo ng fans, sana raw iba naman ang leading man ni Jillian, puwede naman daw si Jeff Moses o kaya’y si Will Ashley o si Raheel Bhyria. Ang dami raw talent ng Sparke GMA Artist na hindi nabibigyan ng big project, kaso nakapili na ang GMA Public Affairs.
Ang isa pang comment na nabasa namin, sana raw si Rabiya Mateo na lang at hindi si Jillian ang bida dahil baka mahirapan siyang mag-Ilonggo. Unlike Rabiya na totoong Ilongga.
BINI, walang kasalanan sa pag-boo!
Wala pang reaction si Senator Robin Padilla sa pagkaka-boo sa kanya nang manood ng concert ng BINI noong Nov. 18. Na-boo raw si Robin nang i-acknowledge ng BINI ang presence nito at ang lakas daw nang pagkaka-boo sa senador.
Kasama pa namang nanood ni Robin ang asawang si Mariel Rodriguez at ang dalawa nilang mga anak na mabuti at mga bata pa at hindi alam kung bakit nag-ingay ang tao sa Araneta Coliseum nang mabanggit ang pangalan ng ama.
Nakaka-disappoint din ang comment ng netizens na deserve nito ma-boo. Ano kaya ang kasalanan niya? Dahil nanood ng concert ng BINI? Siguro naman hindi compli ang tiket ng mga Padilla, bumili sila ng tiket.
Hindi rin kasalanan ng BINI na na-boo siya dahil binasa lang nila ang pangalan nito at ng iba pang nanood ng concert.
Ang tanong lang ng netizens, bakit lahat ng celebrity na nanood ng concert ay in-acknowledge?