Sumagot na ang Kapuso actor na si Ken Chan sa syndicated estafa na kanyang kinakaharap.
Sa isang post sa social media ay nangako siyang “lalaban po ako.” Bahagi nga ng post niya kagabi:
“Personal kong babasagin ang aking katahimikan sa kumakalat na version ng kaso na isinampa laban sa akin dahil sa pagkalugi ng itinayo naming negosyo na Café Claus na nagkaroon ng tatlong branches at nagsara. Hindi po ako nanloko ng tao, naitayo po ang negosyo ngunit hindi ito nagtagumpay.
“Hindi po dahil ito ang amount na isinampa laban sa akin ay ito na ang buong katotohanan. Sasabihin ko po nang buong-buo ang actual na numero at detalye na masyado nang naging exaggerated dahil sariling panig pa lamang ng complainant ang inilabas nila.
“May mga bagay kami na kailangang ipaglaban lalo na kung bakit naisampa ito bilang syndicated estafa, na kung tutuusin ay dapat umiikot lamang sa pagkalugi ng negosyo.
“Ako naman po ang maglalabas ng mga detalye sa mga darating na pagkakataon dahil patuloy po ang pagdikdik sa akin ng mga taong gustong sirain ang pagkatao ko. Sa mga hakbang na ginawa nila mula pa noong nakarang taon hanggang ngayon, makikita ninyo ang intensyon ng mga taong gusto akong pabagsakin,” at kaunting panahon na lang daw ay ilalabas na niya ang katotohanan.
Non-bailable ang kasong syndicated estafa at meron na siyang warrant of arrest.