Hubaran na ng maskara! Sunud-sunod na ang kapana-panabik na eksena na dapat abangan sa Lavender Fields dahil sa kaliwa’t kanang sikretong mabubunyag sa bagong kabanata nito. Labis ding pinag-usapan sa social media ang inilabas nitong trailer noong Miyerkules (Nobyembre 6).
Sa ipinasilip na trailer, mukhang magsisimula na nga sina Lavender (Jodi Sta. Maria), Zandro (Albert Martinez), at Aster (Maricel Soriano) sa pagsiwalat ng baho nina Vito (Edu Manzano) at Iris (Janine Gutierrez).
Mas malalaman din ni Lavender kung paano nga siya pinaikot lamang ni Tyrone (Jericho Rosales).
Ngunit magiging komplikado ang kanilang binabalak dahil malalaman ng kampo nila Iris na mukhang may ibang binabalak sila Lavender sa kanila. Mas titindi pa ang kanilang suspetya nang makita rin nilang tinutulungan ni Zandro sila Lavender.
Dapat ding huwag palampasin ang pagkabunyag ni Iris na iisa lamang sina Jasmin at Lavender. Abangan kung paano lalaban sina Lavender at Aster sa pamilya nila Iris at kung may pag-asa pa si Lavender makasama ang anak na si Camilla.
Simula nang umere ang serye noong Setyembre ay hindi na naalis ang programa sa listahan ng most watched shows ng Netflix Philippines habang patuloy pa rin nangunguna ito sa iWantTFC.
Abangan ang mga pasabog na eksena sa bagong kabanata ng Lavender Fields tuwing weeknights simula 9:30 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, TFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. Panoorin ito in advance sa Netflix at iWantTFC.
The Voice Kids, may bagong twist!
Ang pinakahihintay na Battle Round ng The Voice Kids ay opisyal nang nagsimula noong Linggo, Nobyembre 3, kung saan sinorpresa ng talented young singers ang lahat sa kapana-panabik na showdown.
Ang blind auditions ay puno ng mga nakakabilib na performances, at ngayon, sa Battle Round, maglalaban-laban ang young talents, ipakikita ang kanilang pinakamahusay na performance para makapasok sa next round. Ito na ang kanilang pagkakataon para magningning at ipakita ang lahat ng kanilang pinaghirapan sa kanilang craft.
May bagong twist din na ipinakilala sa Battle Round, na tinatawag na “Backstage Steal.” Pagkatapos ng three-way battle ng bawat grupo, iisang talent lamang ang maaaring makalusot sa next round, pero ang ibang coaches ay maaaring mang-agaw o steal ng talents na hindi napili.
Sa first Battle Round episode, ang Team Bilib ni Coach Billy Crawford – Rexylyn Hi Caiji, Eun-Hae Francisco, at Clet Feigalan – ay nagbigay ng taos-pusong rendition ng Patuloy Ang Pangarap. Pinili naman ni Coach Billy si Rexylyn na magpatuloy sa kanyang team.
Mula naman sa team ni Coach Julie Anne San Jose na sina Shawn Agustin, Ava Glarino, and Wincess Yana ay nagpamalas ng nakakabilib na vocal skills sa Bridge Over Troubled Water. Si Shawn ang napili ni Julie sa round na ito at nanatiling bahagi ng JuleSquad. Pero sinamantala ni Coach Billy ang pagkakataon para maagaw si Wincess at maging bahagi ng Team Bilib.
Samantala, sa team ni Coach Stell, sina Brianna Louise Sison, Jan Hebron Ecal, at Jireh Tzidkenu Sepnio, ay nagpabighani sa lahat sa kanilang nakakamanghang cover ng Isa Pang Araw. Si Jan ang nagwagi ng spot sa team ni Coach Stell.
Ang team naman ni Coach Pablo, na binubuo nina Shamchienel Santos, Keith Neithan Perez, at Hannah Aladin, ay nag-perform ng kanilang nakakatunaw na pusong Always Remember Us This Way ni Lady Gaga kung saan si Shamchienel ang nakapasok sa team ni Coach Pablo para sa next round.
Sa mga susunod na episode, makikita ng mga manonood ang dalawa pang grupo na maglalaban sa 3-way battles per coach. Ang isa pang kapana-panabik ay kung paano gagamitin ng mga coach ang Backstage Steal option.
Sa pag-usad ng programa, haharapin ng young talents ang mas mahihirap na hamon, na magtutulak sa kanila upang maabot ang kanilang pinakamataas na potensyal. Ang The Voice Kids host Kapuso Primetime King Dingdong Dantes naman ang magiging gabay ng kabataan sa masasaya pero paminsan-minsang emotional moments sa kumpetisyon.