Nagustuhan ni Melai Cantiveros ang pagiging TV host dahil mas madalas na nakakasama ang buong pamilya. Para sa komedyana ay mas matagal ang oras na iginugugol sa trabaho kapag mayroong ginagawang serye. “This moment of time ini-enjoy ko kasi ang hosting kaya kung mapansin ninyo hindi ako nagteteleserye. Kasi ini-enjoy ko ‘yung parang offer na hosting. Thank you, Lord talaga na nabibigyan ako ng time sa mga anak ko. Kasi ‘pag teleserye kasi kinakain ‘yung time mo eh. Kinakain ‘yung panahon mo sa asawa mo, sa pamilya mo, sa anak mo. So ngayon sobra akong happy na aside from hosting naghahanapbuhay ako. Tapos nabibigay ko naman ‘yung time ko sa mga fans ko and nabibigay ko ‘yung time sa family,” paliwanag ni Melai.
Mas madalas ding nakauuwi ang aktres ngayon sa pamilyang nakabase sa General Santos City.
Ayon kay Melai ay mahalaga ang oras na kanyang naibibigay sa mga magulang lalo na sa amang mayroong karamdaman. “Lalo na sa parents ko, may time ako ngayon na umuwi-uwi ng GenSan. Kasi nga ‘yung papa ko kasi siyempre may karamdaman na. Kasi kaya kailangan talaga nabibisita kasi time is running,” giit niya.
Kahit hindi gumagawa ng serye ngayon ay nangangarap naman si Melai na mapabilang sa isang pelikulang aksyon ang tema. “Actually, gusto ko rin ‘yung para akong nanay tapos dedicated na nanay sa anak ko and then ‘yung anak ko, ‘di ba may movie dati sa Amerika tapos kinuha ‘yung anak nila. Tapos nagsumbong ka sa mga pulis pero walang naniniwala na pulis kaya ilalagay mo sa kamay mo ang pagbabalik ng anak mo. So, gusto ko action. Ang pagmamahal kasi ng isang nanay eh talaga namang todo-todo, lalabas ‘yan, beyond. So, gusto ko talagang maging action na nanay,” pagbabahagi ng komedyana.
Ice, ayaw mag-concert sa malaking venue
Kakaibang karanasan para sa mga manonood ang gaganaping Ice Seguerra Videoke Hits: OPM Edition Isa Pa concert. Gustong maging komportable ni Ice Seguerra ang lahat ng manonood ng naturang concert na gaganapin ngayong Biyernes sa Music Museum. “I want to make everyone feel na it’s okay to sing. Whether wala sa tono, okay lang ‘yan. Hindi ito contest, party ito, enjoy-in natin. There’s something in music that’s therapeutic and I want that to share with everyone,” bungad ni Ice.
Bukod sa pagkanta ay pasasayawin din daw ng singer ang kanyang mga tagahanga sa nalalapit na concert. Personal na gusto ni Ice at asawang si Liza Diño na magkaroon ng sayawang bahagi ang programa. “May pa-Zumba pa kami sa dulo, ‘yung mga tita enjoy. Direction talaga namin ni Liza sa choreographer namin kasi may dance part talaga sa dulo. Hindi siya complicated songs kaya ang peg namin ay Zumba,” pagdedetalye ng dating child star.
Nagpaplano na si Ice na magkaroon ng concert series sa iba’t ibang bansa. Matatandaang naging matagumpay rin ang mga naunang Videoke Hits concert ng singer.
Ayaw ni Ice na sa malalaking venue gawin ang kanyang mga concert. “Ayaw ko mawala ‘yung magic ng intimacy niya. Kaya ‘yung mga tao sobrang game na game. Kasi ang lapit lang namin sa isa’t isa. Kaya I think the Music Museum is the best. I’d rather have repeats than do a big one,” giit ng singer. (Reports from JCC)