Mga kakandidato sa 2025, nag-uunahan sa family... ni Dingdong
Tuwing filing ng Certificate of Candidacy ang daming kadramahang ginagawa ng mga kandidato na tinutukan ng media dahil ang dami nang nagnanakaw eksena roon. Kagaya nitong nagpapakilalang si Daniel Magtira, tuwing eleksyon nagpa-file ng candidacy niya.
Ngayon naman ay maaga siyang umeksena sa COMELEC na sinasabing ayaw na raw niyang asawahin si Kris Aquino. Hindi na raw niya alam kung saan, kaya si Sen. Imee Marcos na raw ang gusto niya.
Nakakaloka at pinapatulan naman ng ibang media at nagkaroon sila ng oras para ibalita.
Pero sa unang araw pa lang ng filing noong October 1 ay ang dami nang taga-showbiz na umeksena, na mga baguhan pa lang sa pulitika.
Ilan sa kanila ay si Marco Gumabao na maaga pa lang ay ramdam nang tatakbo siya sa district 4 ng Camarines Sur, dahil very visible siya sa mga event nila nung nakaraang taon pa.
Ang district 5 naman ng Quezon City na nasa partido ni Mayor Joy Belmonte ay karamihan taga-showbiz ang kasama niyang tatakbong konsehal. Nandun na sina Alfred Vargas at Aiko Melendez, ngayon naman ay nadagdag si Enzo Pineda.
Samantala, inaabangan na ang pag-file ng candidacy ni Vilma Santos sa Batangas.
Sa Instagram post pa lang niya na “Lipa, Darna, Batangas,” iisa lang ang ibig sabihin nito. Babalik siya - bilang Governor nga raw ang tatakbuhan nito.
Pero curious kami kung makakasama nga ba niya si Luis Manzano bilang Vice Governor niya, at si Christian Recto bilang Congressman naman.
Ngayong araw daw sila magpa-file ng COC sa Batangas.
Ang pamilya Revilla naman sa Cavite ay tuluy-tuloy pa rin ang pagtakbo nila. Nakapag-file na sina Jolo Revilla bilang Congressman ng district 1 ng Cavite at si Lani Mercado naman ay sa district 2 ng naturang lalawigan.
Sinamahan sila ni Sen. Bong Revilla na nag-file ng COC.
Si Sen. Bong naman ay sa Lunes, October 7 siya maghahain ng kanyang candidacy bilang Senador, kasama ang panganay niyang anak na si Bryan Revilla ng Agimat Party-list.
Ngayon pa lang ay marami na ang nagkukuwestiyon sa pagpasok ng mga artista sa pulitika.
Hindi naman daw porke’t sikat at posibleng manalo ay may kakayahan na itong manilbihan sa kanilang kinasasakupan.
Kagaya nang ipinost ni Marco Gumabao sa kanyang Instagram, maayos niyang sinagot ang isang follower niya na nagkukuwestiyon sa kanyang kakayahang pagsilbi bilang Congressman.
Sabi ni Marco, valid naman daw ang tanong. Kaya sinagot niya ito nang maayos. Aniya; “I understand the stigma against the actors running for politics na iniisip ng iba na ‘di nila sineseryoso yung position na tinatakbo nila. And I’m here to break that.
“At a young age I was exposed to public service already because I have family members who were public servants before. It has always been in my heart to use my platform to help people.
“With studies, I studied in Ateneo from prep to 4th year, then studied AB Psych in DLSU. I’m currently taking up Philippine Governance policy making and economics in UPNCPAG which I’m finishing this month.
“I’m not here to say that I’m the smartest or I know it all, but one thing is for sure, my work ethic is something I’m very proud of.”
Kahit hindi pa campaign period, nagpaparamdam na siyempre ang mga tatakbo sa midterm elections next year.
At ang pinuputakti pala ng mga pulitikong gustong magkaroon ng exposure ay ang sikat na game show ni Dingdong Dantes na Family Feud.
Ang daming pulitikong nanligaw sa programang ito na gustong maglaro nang mag-guest doon ang DILG Secretary Benhur Abalos na tatakbong Senador.
Maingat siyempre ang taga-Family Feud sa pagpili nang maglalaro sa naturang programa, lalo na’t obvious namang gagamitin ng mga pulitikong ito para sa kanilang exposure.
In fairness naman sa game show na ito ni Dingdong, consistent pa ring mataas ang ratings kaya naman kumikita talaga ito nang bonggang-bongga.
Ngayong araw pala ay maglalaro si Sandro Muhlach sa Family Feud kasama ang kanyang titang si Angela na kapatid ni Niño at iba pa niyang kamag-anak na sina Alexa at Aaron Muhlach.
Makakalaban nila ang Eigenmann family na Stephanie, anak ng namayapang aktor na si Mark Gil, at mga pamangkin nitong sina Sandro, Liam, at Matti.
Suportado ni Niño ang TV guestings ni Sandro na pinipili muna ang mga nilalabasan niyang programa.
Sabi ni Onin, “Ang puwede mo lang talagang gawin is to be there by their side. Makinig sa kanila at ibigay lahat ang kaya mong ibigay na suporta. Ganun naman talaga e. Pagmamahal.”
- Latest