Nag-post pala si Zanjoe Marudo sa kanyang Facebook account na nagbabala sa isang vlog /blog na naglabas ng mukha ng baby raw nila ni Ria Atayde.
Sabi nito sa kanyang FB post, “May kumakalat na vlog/blog ng umano’y panganganak ni Ria. HINDI SI BABY BOY MARUDO ang baby sa picture.
“Ang hospital picture ni Ria ay LUMA na.
“Huwag basta basta maniniwala kung hindi legit source. Mag-face reveal ni Baby sina Z at Ria soon. Hintay lang kayo.”
‘Yun daw ang pinaghahandaan nila ngayon, ang pag-post ng mukha ng kanilang baby at kung ano ang magiging pangalan nito.
Kahit nga si Sylvia Sanchez na happy lola ay ayaw silang pangunahan. Hindi niya pinapakialaman kung ano man ang balak ng mag-asawa.
Gerald, suportado ang pagbalik sa pulitika ni Marjorie?
Ang lakas ng tilian at talagang nagkagulo ang fans nang dumating si Marjorie Barretto sa Caloocan Sports Complex nung nakaraang Sabado sa proklamasyon na pinangunahan ni Mayor Atong Malapitan.
Hindi lang si Marjorie ang tinilian nang husto kundi si Gerald Anderson na kasama niya roon.
Wala pa namang kinumpirma si Marjorie kung babalik ba siya sa pulitika, pero mukhang may balak dahil sa presensya niya sa naturang event.
Sinamahan pa ni Gerald na tila bahagi na ng pamilya Barretto.
Marami-rami na ring kilalang celebrities ang nagpahayag ng kanilang interes na pagpasok sa pulitika.
Nung huli naming nakapanayam ang komedyanteng si Bayani Agbayani, kinumpirma niya sa aming magiging bahagi siya sa isang party-list.
Magiging bahagi rin ng Agimat Party-list ang dating beauty queen na si Samantha Panlilio.
Kinumpirma na rin ni Phillip Salvador na tatakbo siyang senador at nakikita na nga sa social media na inendorso siya nina Sens. Robinhood Padilla at Bong Go.
Very visible na rin sa Maynila ang aktor na si Joaquin Domagoso na tatakbo raw konsehal sa ilalim ng partido ng ama niyang si Isko Moreno, na babalik bilang mayor ng Maynila.
Pati nga si Zanjoe Marudo ay nakikita rin sa social media na bahagi siya ng isa ring party-list na ASAP NA, na ang ibig sabihin pala nito ay Alyansa laban sa Substance Abuse para sa bagong Pilipinas natin.
Magkakaalaman na ‘yan sa pagsisimula ng filing of candidacy sa Oct. 12.
Pulang…, nalaglag sa no. 7
Pareho naming sinusubaybayan sa Netflix at sa telebisyon ang dalawang magandang drama series na Pulang Araw at Lavender Fields.
Ilang linggo ring namamayagpag ito sa Netflix. Pero nitong weekend lang ay nalaglag na sa number one trending ang Lavender Fields ni Jodi Sta. Maria.
Naungusan ito ng bagong South Korean suspense mystery horror series na Gyeongseong Creature.
Pumangalawa na lang ngayon itong teleserye ni Jodi at nalaglag sa pampito ang Pulang Araw.
Sobrang madrama ngayon ang Pulang Araw kahit pinromote na nila noon pang #GiyeraNa. Wala pa rin ‘yung bakbakan ng mga Pilipino at mga sundalong hapon, dahil nakatutok pa rin ang kuwento sa pagmamahalan nina Eduardo (Alden Richards) at Teresita (Sanya Lopez) at kina Hiroshi (David Licauco) at Adelina (Barbie Forteza).
Ang Lavender Fields naman ay tumindi na ang paghahanap kay Jasmin Flores na si Lavender Fields na ngayon.
Marami kaming tanong sa kuwento nito, pero soap na soap kasi ang formula at gusto ito ng mga manonood.
Sa telebisyon naman ay namamayagpag pa rin ang Batang Quiapo ni Coco Martin na naka-14.8 percent noong Biyernes, at 8.6 percent lamang ang Pulang Araw.