Julia, iniyakan ang best actress; Piolo, pelikulang About Us... big winner sa 7th EDDYS

Apat na ex Miss Universe, nag-reunion

Dalawang malaking event ang tinutukan nung Linggo, at nag-trending sa social nung mga oras na iyun.

Malaking selebrasyon sa Binibining Pilipinas Charities na nagdiwang ng kanilang 60th anniversary.

Mahigit isang daang dating beauty queens ang nag-reunion sa naturang beauty competition na ginanap sa Araneta Coliseum.

Nagsama-sama sa isang entablado ang apat na Miss Universe na sinimulan ni Ms. Gloria Diaz na nagwaging Miss Universe noong 1969, Margie Moran (1973), Pia Wurtzback (2025) at Catriona Gray (2018).

Ngayong taon ay tinanghal na Bi­nibining Pilipinas si Myrna Esguerra, Binibining Pilipinas Globe si Jasmin Bungay, at first runner up si Christal dela Cruz, at second runner-up naman si Trisha Martinez.

Simple naman, pero elegante at pulido naman ang pagpili ng Society of Philippine Entertainment Editors o SPEEd ng kanilang mga winners sa 7th EDDYS Awards o Entertainment Editors’s Choice na ginanap sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom nung gabi ring iyun ng Linggo.

May nag-tie ulit sa kategoryang Best Actress na sina Julia Montes ng Five Break-ups and a Romance at si Charlie Dizon ng Third World Romance.

Hindi nakadalo si Charlie dahil diumano’y out of town ito, kaya kay Julia lang ang moment nang tinanggap ang naturang parangal.

Sa tingin nga namin si Julia ang pinakamasaya nung gabing iyun dahil sa hindi niya talaga inaasahang masungkit ang best actress trophy.

Nung tinatawag pa lang ang mga nominees sa kategoryang iyun, naluluha na siya. “Never naman po akong umasa or nage-expect kapag may ganito kasi ma-nominate ka pa lang po or masabi lang na ‘napanood ko, gusto ko yung ginawa mo dun.’ Iyun pa lang po reward na yun e.

“So, ang nangyari po ngayong gabi, sobrang overwhelming po for me and parang nagkaroon lang po ako lalo ng drive na gumawa pa ng marami pang film, serye para ma-share ko kung ano pong meron po ako,” pahayag ni Julia nang nakapanayam namin pagkatapos ng awarding.

Hindi rin makapaniwala si Enchong Dee na nagwaging Best Supporting Actor mula sa pelikulang Gomburza.

Sabi nga niya, hindi raw nasusukat sa haba ng exposure para ma-nominate at magwagi.

Magaling naman talaga siya kahit mas maraming moments ang ibang martyr priests na ginampanan nina Cedric Lee at Dante Rivero.

Si Gladys Reyes naman ang nagwaging Best Supporting Actress mula sa pelikulang Apag ni Direk Brillante Mendoza.

Sa pelikulang iyan siya nanalong Best Actress sa 1st Summer Metro Manila Film, pero sa EDDYS ay sa Best Supporting Actress siya inilaban.

Si Gladys ang original na Clara sa Mara Clara nila ni Judy Ann Santos. Si Julia naman ang makabagong Clara sa teleserye nila ni Kathryn Bernardo.

Sobrang tuwa naman Piolo Pascual na tinanghal na Best Actor mula sa pelikulang Mallari.

Ibinahagi niya ang naturang parangal sa mga kapwa nominado na sina Dingdong Dantes, Alden Richards, Cedrick Juan, Elijah Canlas, at Romnick Sarmenta na dumalo rin sa Eddys. Tanging si Alden lang ang wala sa mga nominadong Best Actor.

Binanggit pa ni Papa P na para sa kanya, si Romnick ang Best Actor niya.

Hindi na lang nakasama si Piolo sa finale ng parangal dahil nagmamadali na itong umalis para sa isang commitment niya sa Subic, at pati sa birthday celebration ni Ms. Cory Vidanes.

Tanging si Direk Perci Intalan, ang producer ng pelikulang About Us But Not About Us ang  nakadalo at siya ang tumanggap ng mga major awards na nakuha ng naturang pelikula.

Best Picture ang About Us But Not About Us, at si Direk Jun Robles Lana ang tinanghal na Best Director at Best Screenplay. Nakuha rin ang Best Editing kay Lawrence Ang.

Gusto sana ni Direk Jun Lana na humabol at may dala na itong damit, pero naglambing daw ang dalawa nilang anak ni direk Perci na 8 at 6 years old na samahan sila sa Blippi concert na matagal na palang naka-schedule.

Ang mahal pa raw ng tickets, kaya hindi raw nila puwedeng biguin ang kanilang dalawang anak na ngayon lang naglambing na samahan sila.

Karamihan sa mga technical awards ay iginawad ng EDDYS sa pelikulang Mallari na kung saan ang producer nitong si Bryan Dy ng Mentorque Productions ang hinirang na Rising Producer.

Highlights din sa EDDYS awards ang iginawad nilang Icon Awards kina Nova Villa, Gina Alajar, Eva Darren, Leo Martinez at Sen. Lito Lapid. Pati ang iginawad sa mga Box-office Heroes na sina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Piolo Pascual, Alden Richards, Julia Montes, at Kathryn Bernardo.

Magsisilbing inspirasyon ito sa lahat na taga-movie industry na patuloy lang sa paggawa ng pelikulang tatangkilikin ng mga manonood.

Sabi ng ani Direk Perci Intalan sa kanyang acceptance speech sa Best Picture award; “Nung nakaraang taon, kita naman natin sa mga pelikulang ginagawa ngayon, laban lang ng mga producer. Palakihan pa rin nang palakihan ng mga project, di ba? Palakasan pa rin ng loob.

“At nakakatuwa ang dedikasyon din ng lahat ng mga bumubuo ng pelikula, mga artista, obviously nga director, ahhh writers, production designers, cinematographers, editors, everybody. Kasi parang unspoken, nangangarir lahat.

“Pagandahin natin ‘to, patunayan nating maganda ‘to,”

Congratulations sa lahat na taga-SPEEd sa matagumpay na EDDYS awards.

Show comments