Kat Alano, may parinig na naman sa rape!

Kat Alano

Ngayong Miyerkules ay magli-limang araw nang naka-quarantine sina Cedric Lee, Deniece Cornejo at Simeon Raz.

Nasa Correctional Institution for Women si Deniece, sina Cedric at Simeon naman ay nasa Reception and Diagnostic Center ng National Bilibid Prison.

Pagkatapos ng quarantine saka sila ipapasok sa kulungan.

Pero hanggang sa ngayon ay wala pa rin ang isa pang akusado na si Ferdinand Guerrero. Hindi pa ito sumuko.

Sabi nga ng abogado ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga, parang closure na itong ibinabang hatol ng Taguig RTC.

Pero pinag-uusapan pa rin at meron namang naglabas ng sarili nilang pananaw sa isyung ito.

May ipinost ang dating aktres na si Kat Alano sa kanyang  X account.

Ang sabi niya; “TW: Rape.

“Most of you don’t understand what rape is. You think it is some shady act committed in a dark alleyway.”

May ibinahagi siyang kuwento ng isang babae na pilit na nakipagtalik sa kanya ang kanyang asawa.

May kasunod pang ipinost si Kat ng statement tungkol pa rin sa isyu ng rape. “All rape is unforgivable when the rapists have no remorse.”

May mga ganito na namang pahayag si Kat Alano na dati niya ring ginawa nung kainitan ng isyu nina Vhong Navarro at Deniece.

Obvious na si Vhong ang pinatatamaan niya pero hanggang dun lang ang ginawa niya.

Puwede naman siyang magsampa ng kaso kung talagang naagrabyado siya.

Sa social media lamang niya ito idinaan.  Pawang mga cryptic post ang nakikita sa kanya. Kaya hindi malinaw kung ano ba talaga ang gusto niya.

Ngayon ay may ganun siyang patama na alam naman ng lahat kung para kanino ito.

Samantala, ang tunug-tunog din ng mga netizens na nanonood online ng It’s Showtime kahapon.

Nasa segment ng Expecially For You ang dating magkasintahang sina Christine Bermas at ang Italian sexy actor na si Nico Locco.

Doon lang namin nalamang break na pala sila at naging emotional si Christime na inilahad ang pinagdaanan niya sa relasyon nila ni Nico.

Ibinunyag ni Christine na niloko siya ni Nico, at hindi naman ito itinanggi ng aktor.

Inamin niyang meron siyang pagkakamali. Kaya sa ngayon ay mag-focus daw muna siya sa kanyang sarili, at hindi na raw muna siya mag-girlfriend.

Pero mahaba nilang pinag-usapan nina Vice Ganda ang isyu ng cheating dahil sa ginawa kay Christine.

Ang daming nag-comment sa YouTube, na tahimik lang daw si Vhong at hindi raw ito nagsalita nang pinag-usapan ang isyu ng ‘cheating’.

Kunsabagay, inamin naman ni Vhong ang pagkakamali niya noon at inihingi niya ito ng tawad sa kanyang asawang si Tanya.

Pelikula ni Coco, nakatulong sa pola

Proud si Mayor Ina Alegre ng Pola, Oriental Mindoro sa pelikulang Pula nina Coco Martin at Julia Montes.

Nang nagsimulang mag-streaming ito sa Netflix, kaagad na nag-number one trending ito.

Nung na-check ko kahapon ay number one pa rin at positive feddbacks naman ang nakakarating sa amin. Merong hindi nila type, pero mas gusto ko naman ito sa Apag na ginawa rin nila ni direk Brillante Mendoza.

Magagaling lang ang lahat na artista sa Apag, pero itong sa Pula ay ibang-iba ang look, lalo na’t napaka-mystic ng dating ng Pola, Oriental Mindoro na bumagay sa kuwento.

Nagpapasalamat siya dahil nakaahon sila sa paglugmok nang naapektuhan sila ng oil spill nung nakaraang taon.

Kaya bukas ang bayan ng Pola sa mga gusto pang mag-shooting o mag taping sa kanilang lugar.

Show comments