Marian, pinag-iisipan ang sasabihin sa mga namimirata sa Rewind
Maganda ang inilabas na balita ng MMFF nung Linggo ng gabi na extended daw ng isang linggo pa ang Metro Manila Film Festival.
At ang season pass ay puwede pang magamit ng isa pang linggo, dahil hanggang January 14 pa raw ito.
Punung-puno pa rin kasi ang mga sinehan nung Linggo na dapat ay huling araw na ng MMFF.
Marami pa rin talaga ang interesadong manood sa mga sinehan, at lalo pang tumataas ang kita sa takilya ng pelikulang Rewind na consistent ang pagka-topgrosser.
Ang nakakainis lang dito, nagawa nang ipirata ang naturang pelikula. May nag-forward na nga sa akin ng buong pelikula na ibinebenta na pala online.
Matagal-tagal na ring nanahimik ang mga pirata, pero buhay na buhay na naman sila ngayon dahil sa lakas ng mga pelikulang ipinapalabas sa mga sinehan lalo na itong Rewind.
Mas mabilis pa nga itong ipirata dahil online, at nakita nga naming sa loob lang ng limang oras naka-1.4M views na ito at mahigit isandaang shares.
Meron pang ibang nagsi-share na sa Facebook.
May nag-share na rin sa amin ng Facebook post ng ABS-CBN ng video nagpapaalalang “Piracy is stealing. Sabi ni Lods, Do Not Steal”. Gamit ang video ni Pepe Herrera na gumaganap bilang si Lods sa Rewind.
Tinext ko rin si Marian Rivera ng reaksyon tungkol dito, pero mag-iisip pa raw siya ng magandang mensahe.
May kumalat na ring info sa amin na nung Linggo ay umabot na raw ng 600M pesos ang kinita ng Rewind. Pero sabi ng aming reliable source, ipapadala niya sa amin ang eksaktong figures.
Samantala, malaki rin ang nagawa ng mga award na nakuha ng pelikulang Gomburza at Firefly, kaya lalo silang nadagdagan ng mga sinehan at umangat ang kita nito.
Nasa top 5 ng topgrosser na ang dalawang pelikula kasama ang Family of Two nina Sharon Cuneta at Alden Richards.
Kaya ang saya lang, dahil maganda ang resulta ng halos lahat na mga pelikulang kalahok.
Kaya ngayong araw ay haharap sa media ang mga taga-MMFF para magbigay ng update sa gagawing Manila International Film Festival sa Los Angeles, California sa January 29.
Sasagutin na rin nila kung magkakaroon ba ng Summer Metro Manila Film Festival.
Pag-uusapan din ang extension ng MMFF ng isa pang linggo, pero kahapon ay pumasok na ang Aquaman at iba pang foreign films. Kaya hindi na ito mga MMFF movies lang ang mapapanood sa mga sinehan.
Teejay Marquez, pahinga muna sa kabaklaan
Ang saya ni Teejay Marquez at punung-puno ng excitement nung nakatsikahan namin sa media conference ng bagong afternoon drama ng GMA 7 na Makiling na nagsimula na kahapon.
Ibang-iba naman daw siya dito dahil all-out ang pagka kontrabida niya.
Madalas kasi ay nalilinya siya sa gay roles, sa BL series, kaya gusto niya iba naman at medyo limitado na raw muna sa pagganap ng bading.
“Natuwa naman po yung supporters ko, pero siyempre ayoko naman pong ma-typecast na iyun lang ang kaya ko. Pero okay lang po sa akin, wala naman pong saradong pintuan,” sabi pa ni Teejay.
Bading ang role niya sa huling pelikulang nagawa niya, ang Broken Hearts Trip na isa sa nangulelat sa nakaraang MMFF 2023.
Nakaka-sad daw na hindi ito gaanong na-appreciate ng mga manonood. Nabawasan kaagad ito ng mga sinehan at nung huling na-check namin ay palabas na lang ito sa Gateway cinema sa Cubao at wala na raw sa ibang sinehan.
“Ako naman, since nalaman ko na mag-MMFF, sinabi ko sa sarili ko na i-enjoy ko ‘yung experience, and I did enjoy it. ‘Yung journey, parade, awards night, ‘yung promos, ‘iyun kasi ang pangarap ko dati. Feeling ko artista na ako pag naka-MMFF na ako.
“So, bonus na lang po sa akin bilang isang aktor na mabigyan kami ng parangal or tumaas…siyempre gusto ko tumaas yung sales namin para makagawa kami ng pelikula. Pero iyun nga, since medyo nandun na tayo sa hindi masyadong nag-hit, hindi nakalaban, I hope na kahit papano na soon mapanood pa rin ng mga tao. Siguro masyadong napakaganda po talaga ng mga pelikulang lumaban ngayon. Kaya deserved naman po nilang manalo at mag-hit. Sana pag napunta kami sa mga platforms na iba, sana mapanood pa rin tayo ng mga Pilipino.
“Pinaghirapan po namin yun at maganda naman po yung istorya,” mahabang pahayag ng actor na nakilala rin sa Indonesia.
- Latest