Mike Enriquez pinarangalan sa German Moreno 'Walk of Fame'
MANILA, Philippines — Binigyang pugay sa Quezon City ang beteranong newscaster na si Mike Enriquez matapos siyang gawaran ng sarili niyang bituin sa "German Moreno Walk of Fame" sa Eastwood City.
Nangyari ito kasabay ng pagpanaw ni Enriquez kahapon, Miyerkules, sa edad na 71 matapos ang higit limang dekada sa industriya ng broadcast.
Sa isang larawan sa Facebook page ng Eastwood City, makikita ang isang larawan ng beteranong anchor sa ibabaw ng kanyang "star" sa Walk of Fame. May nakatirik ding kandila at ilang bulaklak na iniwan ng kanyang mga tagahanga.
“For the decades of hard work delivering information to millions of Filipinos here and abroad, your star will continue to shine as much as your passion, enthusiasm, and honesty,” sabi ng Eastwood City sa kanilang Facebook post kagabi.
"Eastwood City and the German Moreno Walk of Fame Foundation join the broadcast industry in remembering Mr. Mike Enriquez."
Nagbibigay ng pagkilala ang German Moreno Walk of Fame Foundation sa mga personalidad na nagbigay ng natatanging ambag sa larangan ng pelikula, telebisyon, media, radyo, musika, treatro, at kamakailan, social media.
Kontribusyon ni Mike
Una siyang pumasok sa industriya ng broadcast noong 1969 at naging bahagi ng GMA Network noong 1995 kung saan nagsilbi rin siyang presidente ng RGMA Network Inc. at senior vice president and consultant for radio operations ng GMA Network.
Naging tanyag si Enriquez sa pagiging anchor sa "24 Oras,” "Imbestigador,” “Saksi,” at “I-Witness.”
Sa nakaraang araw, marami na ang nagbuhos ng kanilang pakikiramay sa pagpanaw ng beteranong anchor, kabilang na ang mga kapwa anchor sa GMA na sina Arnold Clavio, Nelson Canlas, at Oscar Oida.
Wala pang sinasabing dahilan o sanhi sa kanyang pagpanaw. — intern Matthew Gabriel
- Latest