It's official: TV5 owners kinumpirma paglipat sa kanila ng ex-'Eat...Bulaga!' hosts
MANILA, Philippines — Opisyal nang lilipat sa Kapatid Network sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon kasama ang kanilang mga "Dabarkads" para mag-produce ng content para sa TV5 at iba pang MediaQuest platforms.
Kinumpirma ng MediaQuest Holdings Inc. — na nagmamay-ari sa TV5 — ang pakikipag-partner nila sa batikang komedyante at noontime show hosts sa isang pahayag na inilabas ngayong Miyerkules.
"I'm honored that these pillars of the Philippine entertainment industry have agreed to work with us," wika ni MediaQuest president at Chief Executive Officer Jane Basas kanina.
"Our partnership strengthens our ability to continue to deliver the best for Filipino viewers here at homme and all over the world.""I'm happy that Tito, Vic, and Joey will now call TV5 their home."
WELCOME TO TV5, TVJ!
— News5 (@News5PH) June 7, 2023
Opisyal nang lilipat sa Kapatid network ang mga orihinal na host ng #EatBulaga na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon, kasama ang iba pang #Dabarkads. #News5 pic.twitter.com/stYrjF13Bg
Ika-31 lang ng Mayo nang magpaalam ang mga haligi ng "Eat Bulaga!" sa Television and Production Exponents Inc. (TAPE Inc.), na siyang nagpro-produce ng palabas, ito ilang buwan matapos sumabog ang isyung hindi pagbabayad sa kanila nang wasto.
Bukod kina Tito, Vic at Joey, sinundan ito ng mass resignation ng mga sikat nilang hosts kasama na sina Paolo Ballesteros, Jose Manalo, Maine Mendoza, Ryzza Mae Dizon, Wally Bayola at Ryan Agoncillo. In-address nila ito kay Romeo Jalosjos Jr., founder at chairperson ng TAPE.
"We are thankful to our friends at Mediaquest for this fresh start," wika ni dating Sen. Tito Sotto.
"Dahil sa ating mga Dabarkads na naging Kapatid, tuloy pa rin ang tuwa't saya na aming dala."
Nagpapatuloy pa rin ang "Eat Bulaga!" sa ngayon sa GMA-7 kahit na wala na ang iconic trio at kanilang mga tropa. Pinalitan sina Tito, Vic at Joey ng bagong hosts gaya nina Paolo Contis, Betong Sumaya, Buboy Villar, atbp.
"Pray with us as we find our new home."
— News5 (@News5PH) June 6, 2023
Ito ang hiling ng TVJ (Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon) at ng iba pang mga host ng Eat Bulaga sa mga netizen para sa bagong TV station na lilipatan nila matapos nilang kumalas sa TAPE Inc. noong May 31. #News5
????: TVJ (Facebook) pic.twitter.com/O1JUhLrey1
Hindi pa klaro sa ngayon kung tatapatan nila sa parehong timeslot ang EB at kung ano ang magiging pamagat ng bagong show kung sakali. Ilang netizens ngayon ang may haka-haka kung sasama na rin sila sa "It's Showtime" ng ABS-CBN, na siya ring pinapalabas sa TV5 tuwing tanghali.
Taong 1979 pa nang magsimula ang "Eat Bulaga!" sa RPN-9, hanggang sa lumipat ito sa ABS-CBN noong 1989. Napanatag ito sa GMA Network nang ilang dekada mula 1995 hanggang 2023. — may mga ulat mula sa News5
- Latest