Para hindi maging one hit wonder JK hinahanapan na ng bagong buwan!
Pinatutunayan ngayon ni JK Labajo na marunong talaga siyang gumawa ng magandang kanta na hindi madaling kalimutan. Nominee na naman kasi ang sarili niyang komposisyon na Buwan sa PMPC Star Awards for Music.
Hindi lamang ang fans ang LSS sa nasabing kanta, maging ang mga sikat na singer ay madalas na ring kantahin ito.
Isang malaking karangalan para kay JK na gawing theme song ang Buwan sa pelikulang Isa Pa With Feelings nina Maine Mendoza at Carlo Aquino na idinirek ni Prime Cruz.
Ito rin ang nagpadagundong sa buong Philippine Arena sa Imelda@45 concert ni Imelda Papin nang kantahin ito ni Robin Padilla.
Samantala, masaya ang buhay pag-ibig ngayon ni JK sa rumored girlfriend na si Maureen Wroblewitz na isang international model at mapapanood din sa music video ng buwan.
Isa lang ang pinagdadasal ngayon ng supporters ni JK, sana raw ay makagawa pa ito ng iba pang kanta na magiging hit rin tulad ng Buwan.
Ipagpatuloy din niya sana ang pag-aartista kung may pagkakataon dahil nakita na’t nasaksihan ng publiko na marunong din siyang umarte.
Ketchup magpapaiyak ngayong Undas
Kahit na sabihing suporta lamang madalas ang mga role na ginagampanan ni Ketchup Eusebio, hindi pa rin siya nagbabago sa kanyang pag-arte. Palagi pa rin siyang bigay-todo.
Sa episode ng Maalaala Mo Kaya na Langoy Ng Buhay na ipapalabas na ngayong Sabado bilang paggunita as All Souls/Saints Day, siya naman ang magbibida.
Kuwento ito ng isang lalaking susubukin ang determinasyon at pagmamahal sa mga namayapang magulang. Dahil sa kagustuhan niyang madalaw ang mga puntod nito, makakagawa siya ng imposible.
Wala siyang pambili ng tiket sa barko dahil sa kahirapan kaya tatangkain na lamang niyang languyin ang dagat para makarating sa lugar na pinaglibingan ng kanyang mga magulang na nasa pagitan ng Cebu at Bohol.
Kung dati ay hindi niya gaanong pinagsusumikapan na madalaw ang puntod nila dahil wala siyang maipagmamalaking magandang buhay sa kanila, ngayon ay walang makakapigil sa kanya na mapuntahan sila.
Mula sa isang totoong istorya ang kuwento na sinulat ni Bong Castro Villanueva, sa direksyon ni Ian Lorenos.
Joshua hindi pa handa kay Alexa
Hindi malaman ni Alexa Ilacad o ni Joshua Garcia ang pinagmumulan ng balita tungkol sa kanila. Ipinalalagay ba ng mga nakakakita ng kanilang closeness at sweetness na senyales na ‘yun ng pagkakaroon nila ng relasyon dahil lamang pareho silang single at libre?
Parehong sinabi ng dalawa na bunsod lamang ng pagsasama nila sa The Killer Bride ang pagiging malapit sa isa’t isa. Sila ang sinasabing puwedeng magkaroon ng something dahil taken na si Janella Salvador at gusto na ng fans ni Joshua na makakita na ito ng kapalit ni Julia Barretto sa kanyang puso kaya bawat maka-close niya ay inili-link na sa kanya, pero tulad ni Alexa ay magkakaibigan lamang sila. Wala pang hangad ang young actor na pumasok sa isang bagong relasyon. Masyado pang fresh ang naging kinahinatan ng kanyang huling love affair.
Dasal ang kailangan
Sana hindi tayo tumigil sa pagdarasal para mapigil ang sunud-sunod na pagdating ng mga kalamidad sa bansa – lindol, sunog, baha, kawalan ng tubig.
Wala namang imposible sa Diyos. Nagkukulang lamang siguro tayo sa kanya at sa ating kapwa.
Let’s all pray for safety, unity. Tulung-tulong lang sa mga nangangailangan, the littlest help will suffice. Ang mahalaga ay ang bayanihan spirit na kung saan ay kilala tayong mga Pilipino.
Lolo nawawala…
Nawawala nung Lunes pa ng hapon ang 74 taong gulang na si Rodrigo Martin Visande. Nagpauna na siyang umuwi sa kanyang ginang matapos silang magsimba . Pinayagan naman siya dahil alam niyang umuwi at alam niya kung saan sila nakatira, hindi nga lamang siya nakapagsasalita. Nakasuot ito ng blue striped shirt and black pants. Mangyari lamang na ipaalam o itawag ang anumang detalye tungkol sa kanya sa 0932-333/ 09950329441.
- Latest