MANILA, Philippines — Salitan ang mga premyadong mamamahayag, manunulat, at artista sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman sa larangan ng media sa mga delegado ng Pinoy Media Congress Year 12 (PMC) na ginanap ng ABS-CBN at Philippine Association of Communication Educators (PACE) sa College of the Holy Spirit Manila (CHSM) kamakailan lang.
Nanguna sina ABS-CBN Integrated News head Ging Reyes, mga reporter at anchor na sina Jeff Canoy at Christian Esguerra, Bianca Gonzalez-Intal at Bela Padilla, mga creative head na sina Rondel Lindayag at Vanessa Valdez, at mga eksperto sa digital na sina Ben Ravina at Dennis Lim sa mga nagsalita sa PMC, na dinaluhan ng mahigit 1,200 na estudyante at guro mula sa iba’t ibang parte ng bansa.
Sa temang Beyond Hits and Hashtags: Harnessing Digital to Help Build a Better World, tinalakay ng PMC ngayong taon ang malalaking isyu sa media ngayon tulad ng fake news sa sesyon ni Bayan Mo, iPatrol Mo head Rowena Paraan kasama sina ABS-CBN head for Futures, Standards, and Ethics Chi Almario-Gonzales, Inday Varona, at UP professor Clarissa David, pati ang mga pagbabago sa newsroom dahil sa bagong teknolohiya sa sesyon naman kasama sina Ging at broadsheet editor Pinky Colmenares.
Kinuwento naman ng creative manager na si Ays De Guzman kung paano palalawigin ang kwento ng programang Bagani sa internet habang pagsalba naman sa mga klasikong pelikula gamit ang teknolohiya ang ibinahagi ni Leo Katigbak ng ABS-CBN Film Restoration.
Nilahad naman ni Pia Bacungan-Laurel ng ABS-CBN International Sales & Distribution ang patuloy na pagbibida ng kumpanya sa talentong Pinoy sa kanilang pagpapalaganap ng mga teleserye sa ibang bansa. Digital Safety at Data Privacy Law naman ang hinimay nina Prof. Yvonne Chua ng VERA Files at Commissioner at Raymund Liboro ng National Privacy Commission.
Sa ikalawang taon, ginanap din ang isang interactive live broadcast sa Visayas, kung saan daan-daan pang estudyante ang nanonood ng mga sesyon mula sa Cebu Technological University.
Isang bagong handog sa PMC ngayon ang pagsasagawa ng isang espesyal na edisyson ng I Can See Your Voice kasama ang host na si Luis Manzano at mga sing-vestigator na sina Andrew E., Bayani Agbayani, Wacky Kiray, at Jona. Dumaan din sina McCoy De Leon, Elisse Joson, at Alexa Ilacad ng The Good Son, Darren Espanto, at Niel Murillo, Ford Valencia, Tristan Ramirez, Russell Reyes, at Joao Constancia ng BoybandPH.
Ginawaran din ng ABS-CBN at PACE ang mga nanalo sa 1st Class Project Mini-Documentary Competition, sa pangunguna ng mga estudyante ng De La Salle University – Dasmarinas. Ang kanilang dokumentaryong Lupang Pangako: Mga Rizalista ng Ronggot ay kabilang sa Class Project Winners Festival sa Knowledge Channel kung saan itinatampok ang mga finalist na dokyu simula Abril 6.
Sa ikatlong araw naman ng PMC, tumungo ang mga delegado sa ABS-CBN para sa Ricky Lee Scriptwring workshop, BMPM Citizen Journalism and Media Literacy seminar, film screening ng mga restored film, at studio tours. (KC)