Janella gusto nang patahimikin ang ina?!
PIK: Biniro namin si Roselle Monteverde sa presscon ng bagong pelikula ng Regal Films na The Debutantes na malamang tubong-lugaw siya rito dahil wala siya gaanong big stars sa pelikula na magsu-showing na sa October 4.
Bida sa pelikula sina Sue Ramirez, Miles Ocampo, Chanel Morales, Jane de Leon, at Michelle Vito.
“Ang laki ng gastos ko rito,” mabilis na sagot sa amin ni Roselle.
Maselan daw ang direktor nito na si Prime Cruz kaya napalaki raw ang gastos nila sa effects. Si Prime Cruz ang direktor ng Ang Manananggal sa Unit 23B, at sinasabi niyang kakaibang horror daw ang The Debutantes na may pagka-color horror daw.
Gusto ni direk Prime na magbigay ng kakaibang horror na magaan lang tingnan, maganda ang kulay at magaganda ang mga bida.
Inspired daw ito sa mga nagawang horror ng mga iginagalang niyang sina direk Chito Roño ng Feng Shui at direk Jun Lana ng Kulam.
PAK: Kabilin-bilinan sa contract-signing ni Janella Salvador sa Regal Films na huwag nang uriratin sa kanya ang isyu sa inang si Jenine Desiderio. Sabi ng ilang taong malapit sa young actress, inaayos na raw ito at hoping silang magkakasundo rin ang mag-ina.
Pero hindi pa rin ito maiwasang tanungin kamakalawa ng hapon.
Hindi ba niya akalaing, ilabas ng Mommy niya sa social media ang hinampo sa kanya?
“Siyempre lahat naman tayo nagulat, I’d rather not to make a statement about it kasi ayokong lumaki pa ‘yun.
“I believe naman malapit na maayos eh. In God’s time, maaayos eh,” safe lang na sagot ni Janella.
Pero nung araw ding iyon, nag-post naman si Janella sa kanyang Twitter account na Super Janella ng statement na, “This. Has. To. Stop.”
Tungkol nga kaya sa isyu niya sa kanyang ina ang tinutukoy sa post?
Ang pakiusap na lang ng taga-Regal na sana sa pelikulang My Fairy Tail Love Story mag-focus na balak nilang isali sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
BOOM: Pinag-uusapan pa rin ang isyu ng viral video ni John Lloyd Cruz na kuha sa bakasyon nila ni Ellen Adarna, kaya kaagad pinik-up at nai-share ang post ni Ogie Diaz sa kanyang Facebook account tungkol sa pag-uusap nila ng aktor sa taping ng Home Sweetie Home.
Ang ilang Kapamilya talents naman ay tumangging magbigay ng komento tungkol dito. Ito yata ang order sa kanila na walang may magbibigay ng komento tungkol sa isyu.
Maingat ang sagot at talagang hindi nagkomento si Miles Ocampo sa presscon ng pelikula niyang The Debutantes.
Kasama ni Miles si John Lloyd sa Home Sweetie Home, pero umiiling ito at tumanggi siyang magbigay ng komento.
“Sabi lang po ni Kuya (John Lloyd), manonood daw siya ng The Debutantes, kasi nakita niya ang trailer, ang ganda-ganda raw,” paiwas na sagot ng batang aktres.
“Wala po akong karapatan na mag-comment dun eh,” sagot pa niya.
Pero si Luis Manzano naman ay nagsalita at ipinagtanggol ang Kapamilya actor.
Pahayag ni Luis sa presscon ng bagong programang I Can See Your Voice, “Wala siyang ginagawang masama. I know that person. That video does not define who John Lloyd Cruz is as a man, as an actor.
“Gusto lang kasi nila manghusga. Yun kasi ang hobby ngayon ng mga Pilipino eh, manghusga. ‘Yun ang trip nila eh. Cool yan eh. Cool yang mang-bash, cool yung gumawa ng fake account ng troll.
“Although some are really concerned, but let’s not have one video define who he is. Kilala ko si Lloydie, wala siyang ginagawang masama dun sa video.”
- Latest