MANILA, Philippines - Isa si Noelle sa mga kababaihan na hindi nabigyan ng pagkakataong mabuntis at magkaroon ng sariling anak dahil sa isang sakit. Ikinalungkot ito ni Noelle, na lubos ding nakaapekto sa relasyon niya sa kasintahanag si Joel. Ngunit sa kabila ng kanyang kondisyon, hindi siya iniwan ni Joel. Patuloy siya nitong minahal na nauwi rin sa isang kasalan. Sumubok sila ng options para makabuo ng sanggol pero hindi pa rin sila nagtagumpay.
Hanggang sa malaman nila ang tungkol sa foster caring o foster parenting. Gustung-gusto ito ni Noelle kaya agad niyang kinuha ang pagsang-ayon ni Joel para makapag-alaga sila ng sanggol kahit pansamantala lang.
Kahit temporary ang pagiging mga magulang, binusog nina Noelle at Joel sa pagmamahal ang sanggol na ipinagkaloob sa kanila para pansamantalang alaagan si Diana Mae. Lalo pa niyang ikinatuwa nang malamang malaki ang tsansa na sila rin ang maging legal na magulang ni Diana Mae kung gugustuhin nila.
Subalit naglaho ang kanilang pag-asa nang dumating sa ampunan ang totoong mommy ni Diana Mae at gusto na nitong bawiin ang bata. Alam nina Noelle na wala silang laban dito, kaya kahit napakasakit ay ibinalik nila si Diana Mae.
Paano magpapatuloy ang buhay ng isang babaeng ang tanging hiling ay makapagbigay ng pag-aaruga at pagmamahal sa isang sanggol? Magkakaroon pa rin kaya siya ng pagkakataong mabigyang-ganap ang pagiging babae niya at maging isang ina?
Itinatampok sa episode na pinamagatang Anak Kong Hindi Akin: The Joel and Noelle Marcaida Story sina Max Collins bilang Noelle at Pancho Magno bilang Joel. Makakasama rin sina Ina Feleo, Nonie Buencamino, at Shamaine Buencamino.
Mula sa direksyon nina Maryo J. delos Reyes, DGPI, at Rado Peru, huwag palampasin ang Magpakailanman ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto sa GMA 7.