Para bang may malaking kabawasan sa pagkalalaki ni Ahron Villena kapag tinanggap niya ang pag-amin ni Kakai Bautista na minsan ay nagkaroon sila ng ugnayan. Muli na naman kasing naungkat ang isyu sa kanila nang mainterview ang komedyanang magaling kumanta kaugnay ng comedy concert na gagawin nito kasama si Jon Santos na Live, Love, Laugh sa Resorts World Manila.
In all fairness kay Kakai consistent siya sa mga sinasabi niya tungkol kay Ahron. Ang hindi lamang nagustuhan ni Ahron ay ang pahayag ni Kakai na “Tanggap ko kung ano siya” na maraming pwedeng maging kahulugan, pero hindi tinanggap ni Ahron kaya sinabi nito na “Naging tayo ba?”, “Never naging tayo”, na mariing tinutulan ng netizens dahil nagpakita ng hindi pagiging maginoo ang aktor. Tsk. Tsk. Tsk.
Paalam Direk Soxie
Nakikiramay ako sa mga naiwan ni direktor Soxie Topacio na isang taon ding nakipagbuno sa sakit na lung cancer bago siya ginupo nito. Bago siya nagkasakit ay isang masipag na direktor ng comedy movies si Soxie. Naroon din siya palagi at sumusuporta sa mga project at events ng Quezon City government na pinamumunuan ni Mayor Herbert Bautista at maging ng LGBT community.
Minsan sa aming buhay ay nagkasama kaming sumuporta at naging fans ng singer na si Chad Borja at palaging nagkikita’t nagtatagpo tuwing may set ito sa isang bar sa Greenhills.
Marami ang makaka-miss sa kagalingan at kabaitan ng namayapang direktor.
Empoy at Alessandra ang lakas ng kilig
Biglang naging fan ako ni Empoy Marquez matapos ko siyang mapanood sa Kita Kita katambal ni Alessandra de Rossi. Hindi lamang ang tandem nila ni Alex ang nadiskubre sa movie kundi maging ang malaking potensyal ng Spring Films nina Piolo Pascual, Erickson Raymundo, Joyce Bernal, at Vic del Rosario bilang box-office film producers.
Patuloy at patuloy na dudumugin ang mga sinehan na nagpapalabas ng pelikula nila na gustung-gusto ng manonood.
Cute ‘yung mga walang malisya nilang pagkikita at pagdi-date na tinulungan na mas mapaganda ng magagandang tanawin sa Japan. Puwede namang idirek ni Bb. Joyce ang pelikula, pero kapuri-puri ang pagbibigay nila ng isang magandang pagkakataon sa isang baguhang pangalan para siyang magdirek ng pelikula, si Sigrid Andrea Bernardo.
Maganda ‘yung istilo ng pagkaka-execute niya ng flashback para ipakita na hindi lamang aksidente ang pagkikita ng dalawang main characters kundi isang plano na pinag-aralan ng character ni Empoy.
Nakita sa movie na kung gugustuhin ni Empoy ay pwede siyang maging isang disente at katanggap-tanggap na suitor, pero baka mabawasan ang pagiging comedian niya kung kaya nag-stick na lamang ang character niya sa pagiging mas nakakatawa kaysa kaibig-ibig. ‘Yun ang ikinagusto ng manonood, na ang isang babaeng maganda na tulad ni Alessandra ay maaaring mahulog ang loob sa isang lalaking more witty than pretty.
Kung nasiyahan man ako sa mga eksena nina Alex at Empoy, pinaiyak naman nila ako sa huling bahagi ng kuwento na maganda ring na-execute ng direktor dahil hindi nawala completely ang character ni Empoy na nakatulong pa sa pagbibigay liwanag sa isang napakasimple, pero nakakainlab na kuwento ng pag-ibig.