Nagtampo sa production staff ng ginagawang show ang isang aktres dahil ang feeling nito hindi siya importante at hindi mahalaga ang partisipasyon sa show. Binalak ng aktres na umalis na lang sa show pero hindi siya pinayagan.
Ang istorya, nakita ng aktres ang billboard ng kanilang show at wala siyang pangalan sa mga cast na nakasulat.
May karapatan namang magtampo ang aktres lalo na nang makita na kumpleto ang pangalan ng cast maging sa second lead. Ang sabi ng isa sa taga-production, nakalimutan lang nilang isulat ang pangalan ng aktres at nawala sa isip nila hanggang sa maitaas na ang billboard.
Nalutas din naman agad ang isyung ipinagtampo ng aktres at binago ang billboard. Maaaring maliit na bagay lang ito sa mga ordinaryong tao, pero aktres ang involved at malaking bagay sa kanya ang pangalan na ilang taon din naman niyang pinag-ingatan.
Barbie nagpasintabi bago Nagpakita ng laman
Idinaan sa biro ni Barbie Forteza ang pagpapakita sa 24 Oras ng BTS (behind the scenes) sa taping ng Meant To Be na naka-two-piece swimsuit siya. Tweet ni Barbie, “Pasintabi po sa mga nanonood ng 24 Oras at naghahapunan na. Hahaha!”
Pero walang dapat ihingi ng pasensya si Barbie dahil may karapatan siyang mag-two-piece swimsuit. Ang kinis-kinis nito at maputi pa, 19 years old na siya at nasa beach ang eksena kaya alangan namang magbestida siya.
Bitter at wala lang masabi ang ilang bashers na nagre-react sa pagtu-two-piece ni Barbie.
Anyway, nasa seven weeks pa lang ang Meant To Be at hindi pa malalaman kung sino kina Ken Chan, Ivan Dorschner, Addy Raj, at Jak Roberto ang makakatuluyan ng karakter ni Barbie.
Richard aprubado ANG paglipad ni TJ
Unti-unting binubuo ang cast ng Mulawin vs. Ravena at siguro naman, bago mag-storycon ay kumpleto na ito. Ang pinaka-latest na kasama sa cast ay si TJ Trinidad na gaganap sa role ni Greco.
Nakita ng mga bumisita sa Instagram (IG) ni TJ ang emoji ni Richard Gutierrez na dalawang palad na ibig sabihin ay aprubado sa kanya ang pagkakasama ni TJ sa cast ng fantaserye na unang pinagbidahan ng kakambal ni Raymond Gutierrez.
Sumagot si TJ ng “@richardgutz thanks Aguiluz.” Aguiluz ang pangalan ng karakter ni Richard sa original Mulawin at dahil sa nabasa ng netizens, nalungkot sila na sa reboot ng fantaserye, hindi siya kasama. May nagpahayag din ng pagka-miss kay Richard na matagal nang hindi napapanood.
Joseph ipinaubaya kay Albie ang pagpapatikim ng pandesal!
Disappointed ang mga beking reporter sa sinabi ni Joseph Marco na hindi siya nag-topless sa Regal Films movie na Pwera Usog. Hindi tuloy masisilayan ang 6-pack abs ng aktor na pinagnanasaan ng marami.
Pero may masisilip pa ring abs sa horror film na showing sa March 8, si Albie Casiño ang may mga topless scene, kaya abs niya ang makikita. Hindi rin alam ni Albie kung bakit siya lang ang nag-topless.
Anyway, horror ang Pwera Usog at hindi sexy film, kaya umayos kayo! Sabi ni direk Jason Paul Laxamana, ang movie ay kuwento ng isang pulubi na ginawan ng prank, in-elevate niya para gawing mas nakakatakot.
Challenge kay direk Jason kung paano niya ito ilalapit at paano magugustuhan ng millennials na karamihan ay hindi yata alam kung ano ang ibig sabihin ng “usog” at “pwera usog.”
Nagustuhan ng netizens ang full trailer ng Pwera Usog dahil may 2-M plus ng views na ito mula nang i-launch at i-post sa Facebook.