Sana nga, siguro nga, na ang Beauty and the Bestie ang pinakamagandang nagawang movie ni Vice Ganda dahil habang pinanonood ng movie press ang full trailer ng Star Cinema entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2015, lahat ay humahagalpak sa tawa sa host ng It’s Showtime. Kung nakakatawa siya sa Petrang Kabayo, mas nakakatawa siya rito sa Beauty...
“Nung ginagawa namin ang movie, para itong isang thesis na dapat ipasa at kung thesis ito, uno ang grado nito,” with full confidence na sabi ng tinatawag na The Unkabogabol Star. Idinagdag din niya na magandang pangregalo sa Pasko ang pelikula dahil hindi ito tinipid, maraming kotse ang pinataob dito, “Parang isang Bruce Willis ang movie, fast paced. Rushes pa lamang ay alam na namin na winner ito,” dagdag niya na walang halong pagyayabang, buong tiwala lamang sa kanilang produkto.
Pero hindi inaangkin ni Vice ang full credit sa ganda ng Beauty and the Bestie. Bukod kay Coco Martin na talaga namang best friend niya at nakita ang ganda ng kanilang kumbinasyon sa pagtatrabaho, binigyang papuri rin niya ang dalawang kasamahang komedyante na talaga namang swak sa kanilang pagpapatawa. Maganda at malaki ang role nina MC at Lassy.
Pambala rin ng pelikula ang JaDine loveteam nina James Reid at Nadine Lustre na hindi matatawaran ang kasikatan ngayon sa TV at pelikula, ang tambalan din nina Marco Masa at Alonzo Muhlach, Karla Estrada, Badji Mortiz, at Ryan Bang ay tampok sa pelikula.
JaDine Nominado sa Hello Asia K-Pop Awards sa Korea
Mga nominee sa The Hello Asia K-Pop Annual Awards 2015 sa Korea sina Darren Espanto at ang tambalang JaDine para sa kategoryang Asian Artist of the Year. Malalaman ang mananalo sa December 17 sa Hello Asia Radio, 6NG.
Pinatunayan ng tatlong nominado during the taped as live na Thank You For the Love Christmas Special ng ABS-CBN na napakalaki na ng kanilang following. Dumagundong ang Araneta Coliseum sa kanilang pagpasok.
Bagaman at finalist lamang si Darren sa The Voice Kids at dating stringer lamang ang JaDine ng KathNiel nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, at LizQuen nina Liza Soberano at Enrique Gil, malayo na ang iniangat ng kanilang mga karera.
Gerald magpapaiyak na naman
After balikan ni John Lloyd Cruz ang Maalaala Mo Kaya matapos ang mahabang panahon, si Gerald Anderson naman ang pinagkatiwalaan ng isang napakahirap na role - isang may disability. Kinailangan ni Gerald na iwan pansamantala ang mga ginagawa niyang Christmas activities para mapangatawan ang pagganap sa isang role na tinatayang mas mahirap sa ginawa niya bilang Budoy.
Gagampanan ni Gerald ang papel ni Bert, isang lalaking may X-linked Dystonia Parkinsonism (XDP) o tinatawag ding Lubag Syndrome. Base sa mga pag-aaral, mga kalalakihang Pilipino ang madalas tinatamaan nito at may sintomas tulad ng pagkautal, hirap sa paglakad at pagsulat, at imboluntaryong paggalaw ng mga kalamnan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Bata pa lang si Bert ay nais na niyang maging isang guro tulad ng kanyang mga magulang. Kaya naman nagsipag siya sa pag-aaral hanggang sa makamit niya ang inaasam na propesyon.
Ibinigay niya ang kanyang puso sa tungkulin at hinigitan pa ito sa pamamagitan ng pagiging ikalawang ama sa kanyang mga estudyante. Hanggang sa isang araw ay lumabas na ang sintomas ng kanyang karamdaman at bumungad na sa kanya ang masaklap na katotohanan.
Kasama rin sa upcoming episode ng MMK sina Snooky Serna, Raikko Mateo, Kyle Banzon, EJ Jallorina, Veyda Inoval, Karla Cruz, Dale Badillio, Angelo Ilagan, Ronalissa Cheng, Trina Legaspi, Ellaine Quemel, at Lui Manansala.