Gretchen hindi maawat ni Tony Boy?!

Talagang ayaw paawat ng magkakapatid na Barretto (Gretchen, Marjorie, Claudine), sa Internet na sila nagkalabasan ng kanya-kanyang baho sa katuwaan ng maraming walang mapagkalibangan sa panahon na ito ng habagat. Sa tatlo, mas may career si La Greta na maaapektuhan. Wala mang career si Marjorie na matatawag, nariyan naman ang anak niyang si Julia na baka maapektuhan ang laun­ching sa away nila.

Si Claudine baka sa patuloy na pagsama ng kanyang imahe ay magbago ang plano ng Viva na igawa siya ng comeback vehicle niya. Wala bang nagsasabi sa kanila na tumahimik na lamang at ibalik ang magandang pagkakakilala sa kanila ng publiko? Kung hindi sila mapatahimik ng mga magulang nila, lalo na si Claudine na suportado ng ina, si Gretchen ’di ba kayang patigilin ng kanyang lover at si Marjorie ni Julia?

Dahil wala nang career, Jason kinakawawa sa ere ni Melai

Sa totoo lang naaawa ako kay Jason Francisco, current boyfriend ni Melai Cantiveros na nakilala at nagsimulang makarelasyon ng aktres sa Pinoy Big Brother. Every time kasi na mag-guest siya sa Kris TV ay nalalagay siya sa ala­nganin. Eh masakit sa isang lalaki ’yung nalalagay siya on the spot at nabubulgar ang kanyang kamalian hindi lamang sa kanyang girlfriend kundi lalo na sa pamilya nito. Tingin ko nga nababawasan ang kanyang pagkalalaki and yet hindi siya tumatanggi sa tuwing maiimbita sa show. Ewan ko lang kung walang nagaganap na away sa pagitan nila ni Melai kapag wala na sila sa harap ng kamera.

’Yung nalaman ng lahat, on national TV pa, na hindi siya gusto ng pamilya ni Melai dahil pangit siya at hindi ganun kainit ang career nga­yon ay sapat na para ma-turn off siya pero hindi naman nangyayari ito. Sa halip ay nagsasalita na lamang siya nang hindi maganda tungkol sa pamilya na balang araw ay magiging pamilya rin niya.

Ewan ko rin kung ano ang reaksiyon ng pamilya at mga kaibigan din niya sa pang-ookray na nararanasan niya sa kanyang pamilyang hilaw at sa isang programa na naglalayong papaglapitin sila ng girlfriend pero sa malas ay mas pinaglalayo pa sila.

Pero bilib din naman ako sa walang sawang pagiging kupido ni Kris Aquino sa dalawa. Maganda ang intensiyon niya na mapanumbalik ng buo ang relasyon nila pero sa nangyayari kay Jason kapag nasa show niya ay baka siya pang maging dahilan para tuluyan nang magkahiwalay ang da­lawa.

Julia at Kathryn pagtutulungan ang kalaban

Tuloy na sa Lunes ang pag-ere ng Got to Believe. Maganda at entertaining ang mga teaser na ipinalalabas tungkol sa serye ng magka-love team na Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na magtatangkang ibalik sa Kapamilya Network ang ibang viewers na nahatak ng katapat na palabas ng kalabang istasyon. Pagtutulungan nila ito ng cast ng Muling Buksan ang Puso na ni minsan ay hindi na-threaten ng kalabang palabas. With Daniel and Kathryn’s strength coupled with those of Julia Montes, Enchong Dee, and Enrique Gil, mukhang kailangang maghandang mabuti ng kanilang mga kalaban.

Ariel hindi pa limot ang akting

Isa si Ariel Rivera sa matagumpay na napagsasabay ang kanyang karera sa pagkanta at pag-arte. Matapos siyang mapanood sa isang serye na tinanghal na isa sa mga pinakamaganda na napanood sa TV (Ina, Kapatid, Anak), paiiyakin naman niya ang mga manonood ng Maalaala Mo Kaya, bukas ng gabi. Gagampanan niya ang role ni Eddy, isang ama na may dalawang pamilya — ang isa ay nasa Albay, while the second is in Bacolod. Paano makalilimot ang isang ama sa kanyang unang pa­mil­ya na kailangan niyang iahon sa hirap?

Makakasama ni Ariel sa episode sina Sheryl Cruz, Trina Legaspi, Marco Gumabao, John Way­ne Sace, Karen Reyes, JB Agustin, Joseph Bitangcol, Alfred Labatos, Marissa Sanchez, Matthew Mendoza, Jong Cuenco, Louella de Cor­dova, Celine Lim, Jed Montero, Erin Ocampo, Arnold Reyes, at ang bagong Kapamilya star na si Ynna Asistio. Sa direksiyon ito ni Raz De la Torre.

Show comments