Tres Queridas (64)
Nakapako ang paningin nina Celeste at Diana sa 4K live feed ng makipot na eskinita sa likod ng Royale Express Remittance & Pawnshop. Sa ilalim ng matinding sikat ng araw sa labas, mukhang karaniwang hapon lang iyon sa Maynila, may isang drayber ng pedicab na nagpupunas ng pawis sa kanto, isang takatak boy na nakasandal sa poste, at dalawang kargador na nagbababa ng mga kahon sa tapat ng saradong bodega.
Nakakuyom ang mga kamao ni Celeste sa ibabaw ng kahoy na mesa. Wala na ang panginginig sa kaniyang mga daliri; pinalitan na ito ng malamig na katahimikan. Sa tabi niya, pasimpleng inaayos ni Diana ang directional microphone, tinitiyak na wala ni isang kaluskos mula sa eskinita ang makakalampas sa kanilang pandinig.
Biglang umilaw at nag-vibrate nang mahina ang secure phone ni Celeste sa ibabaw ng mesa. Hindi ito tawag. Isang naka-encrypt na mensahe mula sa head of security ng kaniyang ama. Mabilis na binuksan ni Celeste ang mensahe. Bahagyang lumapit si Diana upang makibasa sa screen, at sa loob lang ng ilang segundo, parehong nanlaki ang kanilang mga mata.
Ma’am Celeste, naka-lockdown na ang buong palapag ng ICU. Sampung minuto ang nakalipas, naharang ng mga tao namin ang isang lalaking naka-uniporme ng hospital na nagtatangkang pumasok sa fire exit patungo sa silid ni Sir. May bitbit siyang hiringgilya bago tumakbo nang sitahin namin. Kasabay nito, nakakita ang team sa bahay ng malabong bakas ng kemikal sa gilid ng baso niya study room. Hinihintay pa ang resulta ng toxicology, pero kumpirmadong hindi ito aksidente.
Parang tumigil ang pag-ikot ng mundo sa loob ng maliit na silid.
Hindi inatake sa puso ang kaniyang ama. Hindi ito simpleng pagod o pagtaas ng presyon. May pumasok sa teritoryo ng kanilang pamilya, nilason ang kaniyang ama, at nagpadala pa ng ikalawang tao sa ospital upang tiyaking hindi na ito magigising.
Humugot nang malalim na paghinga si Celeste. Hindi pumatak ang ni isang luha sa kaniyang mga mata. Sa halip, ang galit na matagal nang nagbabaga sa kaniyang dibdib ay tuluyang naging yelo.
“Gusto niyang iparamdam sa akin na kahit saan ako magtago, abot niya ang buhay ko.”
Hinawakan ni Diana ang braso ni Celeste, hindi para pakalmahin ito, kundi para iparamdam na nasa likod niya ito sa anumang mangyayari. “Ligtas na ang daddy mo sa ospital, Celeste. Hindi sila nakalusot sa ICU. Ngayon, tayo naman ang maniningil.”
(Itutuloy)
- Latest















