Tres Queridas (26)
“Nakatulog po ako nang mahimbing. Masama po kasi ang pakiramdam ko,” umiwas ng tingin si Lani, pilit na humaharang sa pinto.
Dahil sa kakaibang ikinikilos ni Lani, lalong nawalan ng pasensiya si Celeste. Hindi siya sanay na pinagsasarhan ng pinto. Gamit ang balikat, itinulak niya ang pinto at iginitgit ang sarili papasok sa apartment.
“Ma’am Celeste!” gulat na reklamo ni Lani habang napaatras.
Mabilis na sumunod si Diana sa loob at isinara ang pinto. “Celeste, kumalma ka muna,” awat ni Diana.
“Kakalma ako kapag sinabi niya sa atin ang totoo!” matalim na tiningnan ni Celeste ang dalaga habang nagpapalinga-linga sa makalat na sala. “Imposibleng nakatulog ka lang, Lani. Bakit balisa ka? Bakit parang may itinatago ka?”
“W-Wala po akong itinatago!” pilit na nilalabanan ni Lani ang nanginginig na boses.
Ngunit tumigil si Celeste sa paglalakad. Nakatutok ang kanyang mga mata sa lumang sofa sa gilid ng sala. Dahil sa magulong pagkakalagay ng mga throw pillow, bahagyang umangat ang isa sa mga seat cushion nito. Lumapit si Celeste at walang alinlangan na isiniksik ang kaniyang mga daliri sa siwang ng upuan. Nang iangat niya ang kamay, may hawak na siyang isang maliit na bagay. Isang gusot at natuyong band-aid, may bahid ng kaunting dugo.
Matingkad na asul. Nanlaki ang mga mata ni Diana nang makita ito. Iyon mismo ang eksaktong band-aid na nakabalot sa hinlalaki ni Carlo sa CCTV footage kagabi.
Iniharap ni Celeste ang asul na band-aid kay Lani. “Nasugatan ka ba, Lani?” madiin niyang tanong.
Napalunok si Lani, namumutla ang buong mukha. “O-Opo... naghiwa po ako ng bawang at sibuyas kagabi—”
Hindi na siya pinatapos ni Celeste. Mabilis nitong hinablot ang magkabilang kamay at puwersahang ininspeksyon ang mga daliri nito. Makinis. Walang anumang galos o hiwa.
“Kaninong bandaid ‘to, Lani?!” tumaas ang boses ni Celeste, umaalingawngaw sa buong apartment. “Narito siya kagabi, ‘no?! Umamin ka na!” (Itutuloy)
- Latest















