‘Kalapati’ (Part 2)
SI Kuya Bong ang naging ama at ina namin ni Tomas mula nang mamatay ang aming mga magulang. Hindi na nakapagpatuloy ng pag-aaral si Kuya Bong sapagkat ang paghahanap ng mapagkakakitaan ang inasikaso para kami buhayin ni Tomas. Sabi ni Kuya Bong, igagapang niya kami ni Tomas at pagtatapusin sa pag-aaral sa kolehiyo. High school lamang ang natapos ni Kuya Bong.
“Mag-aral kayong dalawa—Tomas, Ruel. Kailangang makapagtapos kayo sa college. Mahirap ang walang natapos. Hindi kayo makakakuha ng maayos na trabaho. Hindi na baleng ako ang mababa ang pinag-aralan basta kayong dalawa, titulado,’’ sabi ni Kuya Bong. Ganun lagi ang sinasabi niya sa amin ni Tomas.
Maraming alam na trabaho si Kuya Bong kaya malakas din siyang kumita.
Mahusay siyang electrician, tubero, magmekaniko ng motor at marunong ding magkarpintero—iyon ay sa kabila na hindi siya nag-aral. Wido-wido lang siya pero napakahusay. Nakakahanga!
Kapag araw ng Linggo na wala siyang tanggap na trabaho, ang kanyang mga alagang kalapati ang pinagkakaabalahan niya.
Wala naman siyang balak mag-alaga ng kalapati pero nang may maligaw na dalawang kalapati sa aming bubong, inalagaan niya ang mga ito at dumami. Naging libangan na niya. Kapag nasa trabaho siya, ako ang inatasan niyang magpakain sa mga kalapati.
Lihim naman akong naiinis dahil namumuhi ako sa kalapati. Parang kinakati ako kapag nakakakita ng kalapati. Ayaw ko ring makarinig ng huni ng kalapati!
Pero wala akong magawa kundi sundin si Kuya Bong! (Itutuloy)
- Latest